Abarrientos, Quentin Millora-Brown pasok sa final 12


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinangalanan na ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang final 12 nito para sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na lalarga sa Nobyembre 28 sa Guam.

Pasok sa lineup si Ginebra guard RJ Abarrientos habang hindi naman nakasama sa final 12 sina Converge rookie Juan Gomez De Liaño, Troy Rosario at Jamie Malonzo.

Kasama rin si dating University of the Philippines standout Quentin Millora-Brown na siyang makakatuwang ni natura­lized player Justin Brownlee.

Nariyan pa rin ang mga dati nang miyembro na sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Kevin Quiambao at AJ Edu.

Pormal nang inihayag ni Cone ang opisyal na listahan ng Gilas kahapon na siyang tutulak sa Guam para sa away game nito.

Nakatakdang umalis ngayong araw ang Gilas Pilipinas patungong Guam kung saan kasama rin si Kai Sotto para suportahan ang kanyang mga teammates.

Target ng Gilas na ma­garbong simulan ang ka­m­panya nito sa qualifiers sa pagsagupa nito sa Guam sa Nobyembre 28.