Dala na rin ng magkakasunod na bakasyon kaya parang tumataas ang viewership sa sine at telebisyon.
Nitong nakaraang holiday, April 1, ay maganda ang viewership ng mga programa sa telebisyon.
Pagdating sa mga sinehan, medyo tinatao na ito dahil okay naman ang box-office returns ng My Love Will Make You Disappear ng KimPau.
As of Tuesday, April 1, ay naka-P68M na ito sa ating bansa at ayon sa Star Cinema na naka-P100M na sila noong weekend, worldwide.
Hindi man naabot ang gusto nilang target, okay na ‘yun lalo na’t mahina pa rin naman talaga ang mga pelikulang lokal.
Ginagawan pa rin ng paraan na medyo lumakas naman ang mga pelikula natin, pero hindi talaga umaalagwa nang husto.
Ang maganda lang kapag may malakas-lakas na pelikula, gumaganda ang resulta ng kasunod na magso-showing.
Kagaya nitong Sinagtala na nag-showing noong Miyerkules, hindi naman ito dapang-dapa sa takilya, dahil naka-P2.25M ito sa unang araw ng showing.
Marami ang nagpa-block screening nung araw na ‘yun kaya okay ang first-day earnings nito.
Pero maganda naman ang pelikula, at sa tingin ko magugustuhan ito ng mga relihiyoso dahil inspiring siya at maganda ang mensaheng hatid ng kuwento.
Kung maganda ang pagpapatuloy ng promo, puwede pa itong humataw kahit expected nang bababa sa pangalawang araw ng showing.
Malaking bagay ‘yung nagkaroon ng holiday dahil talagang lumalabas ang mga tao para manood.
Sana mas magaganda na rin ang mga kasunod na pelikulang ipalalabas.
Samantala, napag-alamang hindi na raw itutuloy ng MMDA at Metro Manila Film Festival ang Summer Metro Manila Film Festival.
Kulang na rin sa paghahanda kahit sa June pa sana ito gagawin.
Abangan na lang natin ang kanilang official announcement.
Arci, pinapasa-diyos na ang pulitika
Ang sipag ng mga star ng pelikulang Sinagtala sa pagpo-promote.
Ang ibang block screenings ay talagang pinupuntahan nila.
Masaya na rin si direk Mike Sandejas na nabakante nang halos 16 years bago siya bumalik sa pagdidirek ng pelikula. At ang maganda lang kay direk Mike, noong nabakante siya at may pinagdaanan, nakapagsulat siya at nabuo niya itong Sinagtala.
Ang isa pang matagal ding nabakante sa paggawa ng pelikula ay isa sa mga bidang si Arci Muñoz.
Ang huli raw niyang pelikula ay ang Open nila ni JC Santos noong 2019 pa.
Ang isa pa kasing pinasok noon ni Arci ay ang pulitika na kung saan ay tumakbo siya bilang councilor. Pero sadly ay natalo siya.
Pero ngayon ay gusto muna niyang mag-focus sa kanyang showbiz career.
Bukod pa riyan ay Air Force reservist pa siya at gusto rin daw niya ang ginagawa niya roon.
Pero hindi naman tinapos ni Arci ang kanyang political career. May posibilidad na babalikan niya ito sa tamang panahon. “Ako sa totoo lang, bahala talaga si Lord. Kasi, right now parang I’m doing what I love. And also at the same time, I inspire other people na.
“Nakakatulong na din ako to being an air force reservist. I’m also as an environment advocate.
“So for now, I’ll settle for that and I’m happy with what I’m doing.
“I wanna continue and pursue acting, kasi po matagal din akong nawala. I think, the last movie I did was Open. Kung hindi ako nagkakamali, that was before the pandemic. And then the soap, and then after that I became a fangirl. So, tinour ko ‘yung world being a fangirl,” napapangiting pahayag pa ni Arci.
Pero kung sakaling may magkukumbinsi sa kanyang balikan uli ang pulitika, tatanggapin kaya niya? “Kung ano naman talaga ‘yung purpose ko in life, mapapa-realize ‘yan sa akin ni Lord. But as of now, I wanna focus sa career ko. ‘Yun po… and my family, and being a rock star. If it’s God’s will, it will happen.
“‘Yun na lang po talaga,” dagdag niyang pahayag.
Ang pelikulang Sinagtala ay showing pa rin sa mahigit 100 cinemas nationwide.