August 21, 2025 | 12:00am
Next year pa pala nakatakdang gibain ang ilang bahagi ng ABS-CBN compound na ibinebenta sa Ayala Land.
Kabilang nga sa gigibain ang millennial tower, Dolphy Theater at ang ABS-CBN chapel na pinamimisahan ni Fr. Tito Caluag.
Sa ngayon ay nakakapag-enjoy pa ang nagpupunta sa dating higanteng network sa souvenir photos.
Tho kahapon ay inilabas ng ABS-CBN ang report na nagkapirmahan na ang ABS-CBN Corp. at Ayala Land Inc. ng Deeds of Absolute Sale para sa pagbili ng bahagi ng ari-arian ng Lopez-led firm sa Quezon City.
Saklaw ng pagbebenta ang 30,000 square meters ng 44,027.30 sqm property ng ABS-CBN Corp. ayon sa kanilang report.
“On 20 August 2025, ABS-CBN Corporation and Ayala Land, Inc signed the Deeds of Absolute Sale upon the compliance with the conditions precedent,” ayon sa kumpanya sa lumabas na story sa ABS-CBN.com.
Nagkapirmahan sila ng Memorandum of Agreement para sa pagbebenta ng bahagi ng ari-arian noong Pebrero 27, 2025, napapailalim sa ilang kondisyon, kabilang ang clearance mula sa Philippine Competition Commission.
May natitirang 14,027.30 sqm ang property at ang kikitain daw sa pagbebenta ay gagamitin sa bahagyang pagbabayad at serbisyo sa mga natitirang utang nito sa bangko, alinsunod sa Real Estate Mortgage sa pagitan ng ABS-CBN at mga nagpapahiram nito.
Kaya naman tuloy ang paggawa nila ng mga bagong programa ng ngayon ay higanteng content provider/agency.
Limang bagong palabas at dalawang star-studded na pelikula ang handog nila sa susunod na mga buwan.
Kabilang dito ang romance-suspense drama na The Alibi, na pagbibidahan nina Kim Chiu at Paulo Avelino, ang Roja kasama sina Donny Pangilinan at Kyle Echarri, at ang What Lies Beneath na may star-studded cast na kinabibilangan nina Charlie Dizon, Jake Cuenca, Janella Salvador, JM de Guzman, Kaila Estrada at Sue Ramirez.
Hatid naman ng Star Cinema ang nakakaantig na family drama na Meet, Greet & Bye na pagbibidahan nina Maricel Soriano, Piolo Pascual, Joshua Garcia, Belle Mariano at Juan Karlos.
Muli namang magsasama sina Vice Ganda at Nadine Lustre sa pelikulang Call Me Mother, ang opisyal na entry ng ABS-CBN Films sa 2025 Metro Manila Film Festival.
Magbabalik din ang ilang mga Kapamilya show, tulad ng hit reality competition na Your Face Sounds Familiar kasama ang mga bagong host na sina Jhong Hilario at Vhong Navarro, at ang fan-favorite game show na Kapamilya Deal or No Deal na pangungunahan ni Luis Manzano.
Unang inanunsyo ang mga bagong palabas ng ABS-CBN sa Iisang Tahanan: Kapamilya Forever trade series, kung saan nagbigay-pugay ang Kapamilya network sa mga partner nito kung saan natunghayan nila ang live performances nina Regine Velasquez-Alcasid, Ogie Alcasid, BINI, BGYO, Darren Espanto, Maymay Entrata, Maki, WRIVE, at marami pang iba.
Nakiisa rin sa selebrasyon ang ilang Kapamilya artists tulad ni Primetime King Coco Martin ng FPJ’s Batang Quiapo, Julia Montes ng Saving Grace, Anne Curtis at Enchong Dee ng It’s Okay To Not Be Okay, pati na rin sina Gerald Anderson, Jessy Mendiola, Francine Diaz at Seth Fedelin ng Sins of the Father.
Dumalo rin ang ilang personalities mula sa ABS-CBN News upang magpasalamat sa mainit na suporta ng brand partners tulad nina Rico Hizon, Karmina Constantino, Jeff Canoy, MJ Felipe, at iba pa. “We have collaborated with so many entities, both on TV and digital, that we now have a complete product portfolio that can take on any of their brands’ challenges and can fulfill any of their brands’ needs—whether on air, on ground, online, on the big screen, or even on the go,” saad ni ABS-CBN head of Sales August Benitez.
