Kamakailan ay ginawarang Best Actress si Judy Ann Santos sa Fantasporto International Film Festival na ginanap sa Portugal. Para ito sa natatanging pagganap ng aktres sa pelikulang Espantaho.
Hindi raw umasa si Juday na makukuha ang award sa naturang international festival. “Sa bawat awards night, hindi ko pini-feed sa sarili ko na ‘Ah, maganda ang trabaho ko rito.’ It could be anything. Kahit sino naman maganda ang trabaho. Lahat ng artista tinatrabaho para magkaroon ng magandang pelikula. Nando’n ‘yung hope pero wala do’n ‘yung ‘Akin ‘yan! Dapat akin ‘yan!’ Never akong aangkin ng hindi nararapat para sa akin,” pahayag sa amin ni Judy Ann sa Fast Talk with Boy Abunda.
Matatandaang nasungkit din ng dating child star ang Best Actress award para sa naturang proyekto noong Metro Manila Film Festival 2024 (MMFF).
Magagaling na aktres ang nakatunggali ni Judy Ann sa MMFF 2024 awards night. “Grabe ‘yon! Napakalaking sorpresa talaga, Tito Boy. Of course, it’s Metro Manila Film Festival, pinaghandaan ng lahat ng producers, ng artista ang bawat materyal, ng bawat writer, kasi 50th (anniversary) eh. So it has to be special. Kailangang may ilagay kang bago sa table ng industriyang ‘to kasi history siya kumbaga. Of course may kaba pero nando’n ‘yung, ‘Wala ‘tong pag-asa talaga!’ ha!ha!ha! Of course, si Ate Vi (Vilma Santos para sa pelikulang Uninvited), Aicelle (Santos, para sa pelikulang Isang Himala) was there. I know how great as a theater actress Aicelle is. At madaming revelations na bagong artista. Malalalim silang umarte, hindi mo pwedeng isantabi ‘yon,” pagbabahagi ng aktres.
Wala raw problema kay Juday kung sakali mang tumanggap at gumawa ng isang supporting role sa proyekto. Para sa aktres ay kailangan lamang niyang pagbutihin ang trabahong ipinagkakatiwala sa kanya. “Ang isang pelikula o produktong gagawin mo, hindi nagma-matter kung lead ka or support ka. A role is a role. Trabahuhin mo nang tama at maayos ‘yan. Dumating ka na gagawin mo ‘yung binigay ng direktor sa ‘yo at hihigitan mo pa. Kasi nagtiwala sila sa ‘yo. So totally fine, walang problema,” giit niya.
Samantala, maglalabing-anim na taon nang kasal sina Judy Ann at Ryan Agoncillo. Sa halos dalawang dekada ng kanilang pagmamahalan ay nagiging dahilan daw ng tampuhan ang selos paminsan-minsan. “Hindi naman mawawala sa isang relationship ang selos, I think. Lalo na no’ng nagsisimula kami, meron at meron talaga. Pero ngayon siyempre matatanda na kami, nag-mature na kami. Ibang level na ang issues namin. Mostly, para sa aming dalawa talaga. Wala na masyadong concern ng ibang tao. Kung meron man, hindi na siya ‘yung napakababaw na dahilan,” makahulugang paliwanag ni Juday.
Madalas umanong nagba-bonding sa loob ng kanilang banyo ang mag-asawa. “Nagtsitismisan lang kami, mindless conversation. Conversations na maaaring malalim, maaaring para sa kinabukasan ng mga bata. Maaaring may tsinismis lang akong nasagap na balita sa industriya. Marites ako sa bahay eh, itsitsismis ko sa kanya. Mga gano’n lang, eventually we were able to find a way na, ‘Ay! Importante pala na may ganito tayo,’” nakangiting kwento ng premyadong aktres.
(Reports from JCC)
