Donny, huling kinilig sa pagkabulol ni Kathryn


Hanggang ngayon, pinagseselosan pa rin pala ng fans nina Donny Pangilinan at Belle Mariano si Kathryn Bernardo, lalo na ngayon na magkasamang judge ang dalawa sa Pinoy Got Talent. Nakabantay ang DonBelle fans kina Kathryn at Donny, inoobserbahan ang mga kilos at galaw.

Alam nilang hindi raw tinitingnan man lang ni Donny si Kath kahit magkalapit lang ang kanilang upuan, bagay na pinasinungalingan ng fans ni Kathryn. Nag-post sila ng video na titig na titig si Donny kay Kathryn habang nagsasalita ito. Kaya, paano raw nasasabi ng DonBelle fans na dine-deadma ni Donny si Kathryn?

Pinansin pa nga ng fans ni Kathryn na kinikilig si Donny habang nakatitig kay Kathryn, na-cutean siguro sa aktres nang nabulol itong magsalita. Saka, sa simula pa lang ng PGT, may sinabi na si Donny kay Kathryn ang “It was really an honor na makasama ka,”  so, saan daw galing ang ganung tsika.

Ayon naman sa casual fans, matitigil lang ang pagseselos ng DonBelle fans kapag nakumpirma na may relasyon na sina Kathryn at Lucena Mayor Mark Alcala.

Ruru, hinihiritang ‘wag munang mag-action

May update si Ruru Madrid sa result ng kanyang MRI at maganda ang resulta nito.

“Sa awa ng Diyos, lumabas na po ang resulta kanina—Grade 1 and 2 strain lang po, ibig sabihin ay 2-3 weeks lang ang recovery at may partial tear lang. To God be the glory! Magbabalik po ako nang mas mabilis,” wika ni Ruru.

Marami ang nag-wish ng mabilis na paggaling ni Ruru para mabilis siyang makabalik sa taping ng Lolong, Pangil ng Bayan. Halos pare-pareho rin ang sinasabi ng co-stars at mga kaibigan ni Ruru na magpagaling siya at ‘wag niyang madaliin ang makabalik agad sa taping.

Kaya lang, sa kanyang pagabalik, sana maging extra careful na siya dahil tuwing may action series siya, lagi siyang naaaksidente. Madalas, ang mga paa o ‘di kaya ay ang binti niya ang napupuruhan.

May suhestiyon nga ang fans niya na after Lolong, magpahinga muna siya sa action series. Rom-com o kaya’y drama muna ang kanyang gawin para iwas aksidente at disgrasya. Para rin hindi nangangamba ang parents niya at ang GF na si Bianca Umali.

BB, inaming nai-insecure kay Kylie!

Aliw ang video nina Kylie Padila at BB Gandanghari, para lang silang magkaibigan at makasing-edad.

Ayon kay BB, dahil sa ganda ng pamangkin, minsan, ayaw niyang sumama sa picture dahil nai-insecure siya. Kahit daw noong bata pa ito, lutang na ang ganda nito.

Ayon naman kay Kylie,nagmana lang siya kay BB na tinawag niyang blooming. Pinaaabangan ng mag-tita ang kanilang vlog na ngayon lang mangyayari.

And speaking of Kylie, natutuwa ang fans dahil sunud-sunod ang project nito sa GMA 7, hindi na raw nila ito mami-miss. May special participation si Kylie sa Sang’gre at may afternoon soap pa siyang My Father’s Wife kasama sina Snooky Serna at Gabby Concepcion.

Anak ni Gabby ang role ni Kylie na pinanghinayangan ng ibang fans. Mas maganda raw sana kung si Kylie ang leading lady ng aktor at sana, mala-May-December romance ang concept ng series.