Gilas boys may reunion sa Sacramento


MANILA, Philippines — Nagkaroon ng mini reunion sina dating Gilas Pilipinas teammates LA Tenorio at Jimmy Alapag sa isang NBA game sa Amerika.

Nakita sa post ng NBA Philippines na nag-uusap sina Tenorio at Alapag sa Golden1 Center sa Sacramento.

“It’s a Gilas reunion in Sacramento. LA Tenorio and Jimmy Alapag link up before the Sacramento Kings game,” ayon sa post ng NBA Philippines sa social media.

Naglaro ang Sacramento Kings at LA Clippers kung saan naitakas ng Clippers ang pahirapang 101-100 panalo.

Dahil sa malalim na karanasan ni Alapag, kinuha ito bilang isa sa mga miyembro ng coaching staff ng Sacramento Kings.

Matagal-tagal na rin si Alapag sa Sacramento Kings na nagsimula noon pang Agosto ng taong 2023 — ilang linggo matapos ang hosting ng Pilipinas ng FIBA World Cup.

Walang linaw kung ano ang napag-usapan nina Tenorio at Alapag.

Isa sa posibleng naging topic ang coaching style at techniques dahil magsisilbi si Tenorio bilang head coach ng Gilas Pilipinas Youth.

Kamakailan lamang ay itinalaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas si Tenorio para hawakan ang programa ng Gilas Pilipinas Youth dahil sa malalim nitong karanasan sapul noong nasa collegiate level pa lamang ito hanggang sa professional leagues gayundin ang pagiging bahagi ng Gilas Pilipinas pool sa mga nakalipas na taon.

Kaya naman malaki ang maitutulong nito sa mga kabataang miyembro ng Gilas Pilipinas Youth.

Posibleng humingi ng payo si Tenorio kay Alapag na isa sa ponakamahusay na miyembro ng Gilas Pilipinas noong aktibo pa ito sa paglalaro partikular na sa nakalipas na mga edisyon ng FIBA World Cup.

Sasabak ang Gilas Pilipinas youth sa FIBA U16 Asian Cup SEABA qualifiers na lalarga sa Mayo 24 hanggang 30 sa Maynila.