Maricel namamanhid ang paa, inamin ang sakit kaya hirap maglakad!


Kailangang operahan

Inamin na ni Maricel Soriano kung bakit hindi halos siya makatayo nung 60th birthday celebration niya last week.

Nagulat ang ibang mga bisita na hirap siyang maglakad.

Kaya naman most of the time noong kanyang party ay nakaupo lang siya.

Kahapon ay nag-post na siya at doon ay ipinaliwanag na may arthritis siya sa spine na aniya ay hereditary.

“Kasi ‘yung spine ko, may arthritis hanggang leeg ko. Tapos, nung first na-experience ko ito, in-injection na ako sa likod. Tapos, ‘yung sumunod dahil hindi pa rin nawawala ‘yung pain, mismong sa spine nila ako sinaksakan ng steroids,” umpisa ng kanyang kumpisal sa social media kaugnay sa pinagdaraanan niyang karamdaman.

“Tapos, matagal bago nag-effect, kaya iika-ika akong maglakad. Tsaka ‘yung paa ko manhid. Parang may mga karayom na tumutusok na ganyan (dini-describe ang nararamdaman). On top of it, may pinched nerve ako. Hereditary ito eh, kaya ganoon. So kahit anong gawin ko, talagang magiging ganyan. Magiging kagaya ni mama Bec (kapatid niya) ako,” pagpapatuloy pa ng award-winning actress.

“Ito namang sakit na ito, gumagaling naman ‘to. Actually, ang sabi nga, magpa-opera ka na para matapos na ‘yang sakit na ‘yan. Pupunta tayo doon, pero kasi tinitignan namin lahat ng way, kung papano, para hindi nga surgery ang mangyari. Sana, kasi ayaw ko. Siyempre nakatikim na ako ng caesarean, hindi ba? Ang operation is not a joke. Tsaka ano, kaya ko ito,” dagdag na kumpisal pa ng Diamond Star.

Sa ngayon ay sinusubukan niyang gumalaw-galaw – physical activities : “Kailangan kong mag-walk palagi sa swimming pool. Walk with faith and confidence.”

Na aniya ‘pag nasa swimming pool, wala siyang nararamdamang sakit. “Mayroon nga akong nagawa na hindi ko inakalang magagawa ko noong una. So hawak-hawak ako noong anak ko, si Marron. So naglalakad kaming ganyan. Lakad muna lakad. Siguro mga anim na beses na kami nagpabalik-balik na ganyan. Tapos mamaya, kasi daldal nang daldal, daldalera ‘di ba. Mag-isa na lang pala akong naglalakad. Oo, dahil sa chichi (chismis), nakapaglakad ako. ‘Yan ang nagagawa ng chismis sa akin. Chichi and water equals walking Mary.”

Sumasailalim siya ngayon sa physical therapy. “Mayroon akong physical therapist talaga. May stretching, tapos may hinahatak ka. Hinahatak ‘yung balakang mo paganyan. Tapos hinahatak ‘yun leeg mo. Sabi ko sana pagkatapos ng ano na ‘to, tumangkad naman ako. Sabi ko, ang dami ninyong ginawang hatak sa akin ha,” nakakapagbiro pa niyang kuwento.

Sari-sari ang naging analysis nang makita nga siyang hirap maglakad sa kanya mismong 60th birthday celebration. Akala ng marami ay may problema ang kanyang lumbar.

Saan daw siya kumukuha ng energy sa kasalukuyan, tanong ng nag-i-interview sa kanya. “Kapag masaya ka ganyan talaga. Nakakayanan ko siguro lahat ito kasi napakadaming masa­limuot akong dinaanan sa buhay ko, kaya siguro naintindihan ninyo. And when your body talks, you listen,” sabi ni Marya.

At nang tanungin siya kung ano ang pinakamagandang natutunan niya sa pinagdaraanan niya?

“Pakinggan mo ‘yung katawan mo kasi kailan lang naman ‘yun, na 19 anyos lang ako, na ano bang ginagawa? ‘Di ba, hindi naglalaro. Nagtatrabaho. Nag-umpisa ng 6. Ngayon 60 na, nagtatrabaho pa rin.”

Nakakapagbiro pa siya ng “dapat, guma­galaw. Para hindi pumanaw.”

Payo naman niya sa mga taong may ganitong karamdaman : “Huwag kang matatakot, nandiyan si Lord. Tsaka, dapat lagi natin isipin na ‘yung ibang tao, nagawan ng himala, ‘di ba? Ikaw pa ba? Eh love ka ni God.”