Bong, pabor na isauli ang MMFF sa mga taga-showbiz


May solusyon pa ba ang mga naluluging pelikulang Tagalog?

Sunud-sunod nga ang semplang sa takilya ng local films at isa ito sa naitanong kay Sen. Bong Revilla at anong masasabi niya sa patuloy na paghina nito : “Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng mano­nood at hindi aantayin na lang sa streaming o online,” umpisa ng aktor/pulitiko.

Dagdag pa niya, dapat mag-adjust ang industriya at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability, tulad ng pagbibigay ng incentives sa mga producer lalo na sa maliliit na kumpanyang hirap makapasok sa sinehan.

Bukod pa sa alam niya ang dilemma sa mahal na bayad sa sinehan.

Natanong din siya ng ilang miyembro ng entertaint press tungkol sa Eddie Garcia Law na pakiramdam nila ay tila nagpapahirap sa producers sa kasalukuyan.

Aminado si Bong na nangangapa pa ang industriya, pero naniniwala siyang makakasanayan din ito at magiging kapaki-pakinabang sa buong industriya. “Naniniwala ako na it is for the industry as a whole at hindi lang sa mga manggagawa,” paliwanag niya sa nasabing batas.

Paliwanag niya pa, puwedeng i-amend ang batas kung may mga magrereklamong producer upang lahat ay makinabang sa Eddie Garcia law.

Sinasabi ng ibang movie insider na nadadagdagan ang gastos nila dahil dito.

Dagdag ni Tolomeee, sa Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na co-produced ng Imus Production, napatunayan niyang posible ang compliance nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng proyekto.

Usap-usapan din ngayon ang panukalang palawakin ang sakop ng MTRCB para masaklaw ang online at streaming content. Ang sagot ni Bong Revilla? Dapat patas ang batas!

“Hindi kasi tama na ‘yung mga online at streaming ay kung anu-ano na lang ang pwedeng ipalabas kahit hindi ito tumatalima sa kagandahang-asal, values, at kultura ng bansa,” giit niya.

Sa tanong kung dapat na bang ipahawak na lang ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga taga-showbiz industry, bukas siya sa ganung ideya. “Pwede namang i-privatize na ‘yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero ‘pag ganyan, no government funds can be used for the purpose,” paliwanag niya.

Pinag-aaralan din umano niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sarili nilang film festival bilang alternatibo.

Tinanong din si Sen. Bong kung may plano siyang gumawa ng bagong proyekto matapos ang eleksyon.

Sagot ng senador, public service ang priority niya, pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula at isulong ang Season 4 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. “Let’s cross the bridge when we get there,” ani Sen. Bong na naiiyak sa suporta ng forever manager niyang si Nay Lolit Solis na hindi na ngayon basta-basta lumalabas.