Letran dumikit sa twice-to-beat | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas sa opensa si Gia Marcel Maquilang matapos nitong akbayan ang Letran sa tuktok ng liderato para kalusin ang Emilio Aguinaldo College 25-21, 25-20, 25-18 sa NCAA Season 100 wo­men’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.

Bumira si Maquilang ng 13 points lahat galing sa attacks para tulungan ang Lady Knights na tuhugin ang 10-2 card at masolo ang unahan sa team standings.

Dahil sa panalo ay lumalapit ang Intramuros-based squad sa asam nilang makakuha ng twice-to-beat advantage pagkatapos ng elimination round.

Makakakuha ng bonus ang top two teams pagkatapos ng 10-team double round robin, nasa pangalawa ngayon ang defending champion College of Saint Benilde na may 9-2 record.

Sunod na makakalaban ng Lady Knights ang Lyceum of the Philippines University sa Biyernes ng alas-2:30 ng hapon sa parehong lugar.

Samantala, nalasap ng Lady Generals ang pang-siyam na kabiguan sa 12 salang, naka-puwesto sila sa pang-walo.

May tsansa pa naman ang EAC na sumampa sa magic four dahil may anim na laro pa silang nalalabi sa elims pero kailangan nilang maipanalo ito lahat.

Samantala, nagtulu­ngan sa opensa sina Johna Denise Dolorito at Joan Doguna upang pabagsakin ng Lyceum ang Mapua University, 25-16, 25-15, 27-29, 23-25, 15-10 sa limang sets sa ikalawang laro.