Dominic at Sue, pinagpaplanuhan na ang future!


Masayang-masaya si Dominic Roque sa umuusbong nilang pagmamahalan ni Sue Ramirez.

Para sa aktor ay nakikita na niyang si Sue ang makakapiling sa habambuhay. “I see it long-term. You know what, now that we enjoy our time together. We plan things together for the future also. Anyone naman gusto maging ‘the one’ ‘yung dini-date mo or ‘yung kinakasama mo or ‘yung partner mo. So I think, yes,” makahulugang paglalahad ni Dominic.

Ayon pa sa aktor ay na kay Sue ang lahat ng mga hinahanap niyang katangian sa isang babae.

Kasundo rin umano ng aktres ang pamilya at mga kaibigan ni Dominic. “Of course, nakikita naman natin how she is, ‘di ba? Sobrang what you see is what you get. Sobrang kulit no’n, sobrang sarap ka-bonding. Hindi lang ako, kung hindi my friends, my family na nakakasama niya and enjoy lang kami together. And we’re happy,” pagtatapat niya.

Kahit abala sa kanya-kanyang trabaho ay sinisikap nina Dominic at Sue na magkasama pa rin nang madalas.

Kapag mayroong libreng oras ay hilig ng magkasintahan ang panonood ng Korean series. “’Yung partner ko, si Sue na kasama ko lagi when watching lately. So, kami laging tandem when watching may mga bagong series or movies na available,” kwento ng aktor.

Jak, relaks muna sa pagjo-jowa

Nagbalik nang muli si Jak Roberto sa paggawa ng teleserye. Magbibida ang aktor sa My Father’s Wife na bagong serye ng GMA Network. “Isa po ako ritong nursing student na tumutulong sa magulang. Very loving boyfriend, tinutulungan ko girlfriend ko na salat sa buhay and no’ng pumunta ako sa US para makakuha ng green card, something happened,” pagbabahagi ni Jak sa 24 Oras.

Sina Kylie Padilla at Kazel Kinouchi ang makakatambal ng Kapuso actor sa naturang proyekto. Posibleng makatulong ang hiwalayan nina Jak at Barbie Forteza kamakailan upang paghugutan ng emosyon ng binata. “Pwede nating hugutin ‘yon, pero baka hindi mag-effect dahil parang sensitive pa sa ‘yo. So, kami as an actor, as much as pwede kaming gumamit ng techniques para hindi maging personal ‘yung pag-atake namin sa eksena,” giit ng binata.

Pitong taon ang inabot ng relasyon nina Jak at Barbie bago humantong sa hiwalayan ilang buwan na ang nakalilipas. Ngayon ay hindi pa raw nakahandang umibig muli ang aktor. “Wala muna siguro, relaks-relaks lang muna. Gusto ko pa mag-discover ng iba’t ibang business. Back on track na tayo sa pagwo-workout ulit. Kasi medyo nafu-frustrate ako lately, siyempre maraming pinagdaanan, stress eating. Pero ngayon parang game mode na ulit. Focus sa business, sa bahay. May blessing pa na dumating,” pagtatapos ng Kapuso actor.

(Reports from JCC)