BGYO, sinulatan ng mga grammy-nominated artist sa headlines!


Pilipino Star Ngayon

September 27, 2025 | 12:00am

Ang BGYO naman ang nasa spotlight ngayon para ibida ang kanilang musika sa paglunsad nito ng bagong extended play (EP) na Headlines, na naglalaman ng apat na kanta na hatid ang evolution at artistry ng Filipino boy group.

Hatid nina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate ang smooth vocals at masasayang choreography sa mga awiting All These Ladies, Aloe Vera, Dance With Me, at title track na Headlines.

Nakasentro ang EP sa key track na Dance With Me na naglalahad ng pagnanais na magkaroon ng espesyal na connection sa isang tao.

Ang Grammy-nominated artist na si JBach aka Jonathan Bach, Canadian songwriter na si Aaron Paris aka Aaron Cheung, American producer-rapper na si Tommy Brown, at singer-rapper na si Courtlin Jabrae Edwards ang sumulat nito kasama ang Filipino singer na si Khimo Gumatay at BGYO members na sina Mikki at Nate.

Samantala, tungkol naman sa lakas ng pwersa ng pag-ibig ang Aloe Vera na mula sa panulat nina singer-songwriter-producer Greg Shilling at Brian Kierulf.

Bago ilunsad ang EP, inilabas ng grupo ang hit single na All These Ladies na nagpapahalaga sa kababaihan. Nagsilbing patikim din ng kanilang bagong tunog ang Headlines single na tungkol sa karaniwan na nagiging pambihira dahil sa espesyal na ugnayan.

Unang mapapanood ang performance ng BGYO ng apat na awitin sa BGYO Now: The First Solo Concert, na gaganapin sa Oktubre 4 (Sabado), 7 p.m. sa New Frontier Theater.

Drew, mas pinaaga na ang biyahe!

Handa na ba kayong sumama sa mas pinaagang Biyahe ni Drew?

Mas maaga na ang biyahe ng biyaheros dahil simula ngayong Linggo (Setyembre 28), mapapanood na sa ganap na 6:10 ng gabi sa GTV ang popular na travel show na Biyahe ni Drew.

Kasama ang award-winning host at “ultimate biyahero” na si Drew Arellano, maghandang mabighani sa mga handog ng probinsiya ng Sarangani na kilala sa magagandang tanawin at mayamang kultura.

Makakasama ni Drew sa biyaheng ito ang isang special guest, si Ashley Rivera, na kilala bilang Mukha ng Batis ng Katotohanan ng Encantadia Chronicles: Sang’gre.

Hindi mawawala ang kulitan sa biyahe dahil susubukan ng dalawa ang nakakikilig na white water tubing sa Pangi River, na kinikilala bilang isa sa pinakamalinis na ilog sa Mindanao. Masusubukan dito ang galing ni Drew, at hindi rin syempre magpapatalo si Ashley sa hamon.

Magkakaalaman din kung sino ang mas magaling magluto sa segment na Tapatan sa Kalan. Gagamit sina Drew at Ashley ng vannamei shrimp sa paggawa ng isang masarap na putahe. Susubukan din nila ang tinagtag, isang local delicacy na may kakaibang paraan ng pagluto.

Tara na at libutin ang probinsya ng Sarangani kasama sina Drew at Ashley! Huwag palampasin ang Biyahe ni Drew ngayong Linggo, 6:10 p.m. sa GTV. Mapapanood din ito ng Global Pinoys sa GMA International channel na GMA Life TV.