CLEVELAND — Tumipa si Tyrese Haliburton ng 22 points at 13 assists para gabayan ang Indiana Pacers sa 121-112 pagdaig sa Cavaliers sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinals series.
“We’re definitely the heavy underdog, but we’re trying to control what we can,” sabi ni Haliburton sa 1-0 lead ng Indiana sa Cleveland. ‘It gives us a lot of momentum for sure, but this is the best team in our conference. They don’t lose much.”
Kinuha ng Cavaliers ang 102-101 abante mula sa free throw ni Max Strus bago isalpak ni Haliburton ang isang three-point shot na nagpasimula sa 15-4 atake ng Pacers.
Umiskor si Andrew Nembhard ng 23 points at ipinasok ang dalawa sa kanyang limang 3-pointers sa four-minute stretch kung saan lumayo ang Indiana.
Nagdagdag sina Aaron Nesmith at Pascal Siakam ng tig-17 points.
Pinangunahan naman ni Donovan Mitchell ang Cleveland sa kanyang 33 points at binasag ang NBA playoff record ni Michael Jordan sa kanyang pang-walong sunod na laro na umiskor ng 30 points sa isang series opener.
Humakot si Evan Mobley ng 20 points at 10 rebounds para sa Cavaliers na naglaro na wala si point guard Darius Garland sa ikatlong sunod na playoff game dahil sa sprained left big toe.
Sa Houston, bumanat si Buddy Hield ng 33 points tampok ang siyam na triples sa 103-89 pagsibak ng Golden State Warriors sa Rockets sa Game 7 ng kanilang first-round series.
Hinugot ni Stephen Curry ang 14 sa kanyang 22 points sa fourth quarter para itiklop ng Golden State sa 4-3 ang kanilang duwelo ng Houston at labanan ang Minnesota Timberwolves sa Western Conference semifinals series.
