Carla, pumalag sa fake news!


‘Kaloka na nagbanta raw ng demanda si Carla Abellana sa nagkakalat ng fake news tungkol sa kanya.

Ipinost niya ang screenshot kung saan sinabi roon na ayon daw sa insiders na malapit sa pamilya ng aktres, lumambot daw ang puso ng tatay ni Carla na si PJ Abellana nang makita nito kung gaano pa nag-aalala ang anak sa ex nitong si Tom Rodriguez sa kabila ng mga nangyari sa kanila.

Kahit nga raw sobrang nasaktan ito ay hindi nito siniraan ang ex-husband at naniniwala sa kabutihan ng puso nito.

Sabi pa sa fake news, kamakailan daw ay lumutang na nagbalik sa ‘Pinas si Tom nang tahimik at nag-reach out kay Carla. Ang nasabing pag-uusap daw ay naging healing at forgiveness, na naging daan para sa posibilidad na balikan ng dalawa.

Sinabi pa raw ng ‘source’ na nag-uusap pa raw ang dalawa at hindi raw minamadali ni Carla pero hindi raw nito sinasara ang kanyang pinto.

Kaya sa caption ni Carla ay binantaan niya ang mga ito at sinabing “Eh kung kasuhan ko nalang kayo at yang “source” ninyo ng libel?”

Nakakaloka talaga ang mga nagkakalat ng mga maling impormas­yon.

Imagine nananahimik na ang dalawa at si Tom nga ay tila masaya na sa kanyang bagong pamilya at sinasabing masaya sa pagiging ama sa anak na si Korben.

Hindi nga maganda lalo na kay Carla na matsismis pa tungkol doon na parang pinalalabas pa raw na sidechick siya.

Kaya suportado siya ng mga follower niya na dapat ngang sampolan ang nagkakalat ng fake news.

Hindi nga dapat nino-normalize ang pagkakalat ng fake news.

Gayahin dapat ni Carla ang ginawa ni Bong Revilla sa trolls.

‘Kaloka.