Eala goodbye na sa Birmingham singles


MANILA, Philippines — Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon si Alex Eala matapos itong masibak sa women’s singles ng WTA 125 Lexus Birmingham Open na ginaganap sa Birmingham, England.

Hindi nasustenihan ng 20-anyos Pinay netter ang matikas na ratsada nito sa first at second set para lumasap ng 5-7, 6-7 (7), 1-6 kabiguan sa kamay ni world No. 152 Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa first round ng torneo.

Nakipagsabayan ng husto si Eala sa unang dalawang sets ngunit bumagal ito sa third set dahilan upang ipaubaya na ang panalo sa Czech Republic bet.

Halimaw si Fruhvirtova sa service area matapos magpasabog ng 10 aces — mas marami ng anim kumpara sa apat na naitala ni Eala.

Nakakuha rin ito ng pitong break points para tuluyang tuldukan ang paghahabol ni Eala.

Nauna nang yumuko si Eala sa women’s doubles.

Kapares nito si Rebeka Masarova ng Switzerland kung saan yumuko ang dalawa kina Australian No. 2 seeds Ellen Perez at Storm Hunter sa iskor na 4-6, 4-6.

Ito ang unang grass tournament ni Eala matapos ang masaklap na kampanya nito sa French Open sa Paris, France.

Hindi rin umarangkada si Eala sa French Open nang yumuko ito sa first round sa singles at second round naman sa doubles kasama si Mexican partner Renata Zarazua.

Dahil sa sunud-sunod na kabiguan, inaasahang bababa sa world rankings si Eala.

Kasalukuyan itong nasa No. 73 mula sa kanyang dating career-high na No. 69.