MANILA, Philippines — Ipaparada ng Alas Pilipinas sina Angel Canino at team captain Jia Morado-De Guzman sa pagharap nila sa Mongolia sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Nations Cup ngayong araw sa Hanoi, Vietnam.
Magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng Alas Pilipinas at Mongolia sa alas-4 ng hapon.
Pangunahing armas ng Alas Pilipinas si Canino, ang 2024 Best Opposite Hitter awardee, na bumalik sa dating position bilang outside hitter.
Ang nasabing koponan ay suportado ni Philippine National Volleyball Federation head Ramon “Tats” Suzara kung saan ay hangad nilang malampasan ang bronze medal finish sa nasabing event.
Nadagdagan ng matinding armas ang World No. 52 Alas Pilipinas dahil sa paghugot kina three-time UAAP MVP at Premier Volleyball League top draft pick Bella Belen ng National University at UAAP Rookie of the Year Shaina Nitura ng Adamson University.
Ang Japan V.League player namang si Morado-de Guzman, nahirang na Best Setter sa nakaraang 2024 AVC Women’s Challenge Cup, ang magtitimon ng plays sa loob ng court.
Inaasahang magbibigay din ng puwersa sa koponan ni Cuban coach Jorge De Brito sina Eya Laure at Vanie Gandler.
Wala sa tropa si Sisi Rondina na muling sumama sa Philippine national beach volleyball team.
Sasandal din ang Alas Pilipinas kina opposite hiiters Cla Loresco at Alyssa Solomon at kina middle blockers Thea Gagate, Fifi Sharma at Dell Palomata.
Makakatuwang nina Morado-De Guzman sa pagse-set ng plays si Julia Coronel kasama sina liberos Dawn Catindig at Jen Nierva.
Matapos ang Mongolia ay sunod na lalabanan ng mga Pinay spikers ang Indonesia bukas kasunod ang break sa Lunes.
Sa Martes ay haharapin ng Alas Pilipinas ang Iran, ang New Zealand sa Miyerkules at ang Kazakhstan sa Huwebes.
Nasa kabilang grupo ang Vietnam, Australia, India, Chinese Taipei at Hong Kong.