Halos hindi makapaniwala si Xyriel Manabat na makapagbibida sa isang episode ng Wish Ko Lang sa GMA Network. Matatandaang nagsimula bilang child actress si Xyriel sa ABS-CBN at doon na rin nagdalaga.
“Sobra po siyang surreal. Kasi hindi naman po naming mga Kapamilya artist i-e-expect ever na pwede kaming mag-cross over and hindi po biro ang Wish Ko Lang sa industriya,” bungad ni Xyriel.
Ngayong nakapagtatrabaho na rin sa bakuran ng Kapuso network ay umaasa ang aktres na makasama sa isang proyekto sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Matagal na umanong hinahangaan ni Xyriel ang mag-asawa. “Isa kasi sila sa mga icons. Isa rin sila sa grabe ang labanan ng face card. At the same time, isa rin ako sa mga humahanga sa mga piece na ginagawa nila whether movie or kung ano mang palabas ‘yan. Sobra rin akong hanga sa family nila. The way they handle their family, ‘yung mga anak nila, basta ‘yung parenting nila. But as a person, isa sila sa mga hinahangaan ko,” paliwanag ng dating child star.
Mas tumindi ang paghanga ni Xyriel sa tambalang DongYan nang makasama sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition ang aktor kamakailan. Naging houseguest ang aktor kasama si Charo Santos-Concio sa bahay ni Kuya habang housemate pa lamang si Xyriel noon. “Recently, pinanood talaga namin ‘yung Rewind. Tapos nakasama pa namin si Sir Dong sa loob ng bahay. So parang lalo lang tumaas ‘yung respeto, ‘yung paghanga ko sa kanilang mag-asawa,” paglalahad ng aktres.
David, gustong tumulong sa mga bata
Kamakailan ay nagpasaya sa ating mga kababayang nasa Hong Kong si David Licauco. Maraming napakilig ang aktor sa kanyang mga kanta sa ginanap na Kapangyawan Friendship Festival na bahagi ng pagdiriwang ng ating Araw ng Kalayaan.
Isang malaking karangalan para kay David na makapiling ang overseas Filipino workers. “For an artist to fly to Hong Kong, and be a source of happiness even just like minutes, malaking karangalan ‘yon para sa akin. I’m just happy na seeing all their faces happy,” nakangiting pahayag ni David sa 24 Oras.
Sina David at Barbie Forteza ang mga bagong ambassador ng Save the Children Philippines. Naniniwala ang Kapuso actor na talagang kailangang alagaan ang mga bata lalo na ngayong nalalapit na ang pasukan at tag-ulan. “Alam naman natin na ang Philippines ay typhoon-prone na bansa. Alam din natin na ang mga bata ay pinaka-at risk. Kung mga sakuna at calamities na gan’on, I want to be there to help the children. But ultimately, we have to for a better system. Hindi lang kapag may nangyari na, kung may disaster na. Mas maganda simula pa lang, meron nang system in place,” pagbabahagi ng binata.
Isang bagong teleserye ang nakatakdang simulang gawin ni David sa susunod na buwan. Ayon sa aktor ay kakaiba ang bagong proyekto kumpara sa kanyang mga nagawa noon “We’ll start taping this July. I have to prepare for that. We’re really excited coz it’s something new to me,” pagtatapos ng Pambansang Ginoo. — Reports from JCC
