Gerald, inspired kay Jessy | Pilipino Star Ngayon


Simula June 23 ay mapapanood na sa TV5 ang Sins of the Father na pinagbibidahan ni Gerald Anderson. Para sa aktor ay talagang maganda ang istorya ng bagong serye na tiyak pakaaabangan ng mga manonood. “I’m doing something na may social awareness. It’s about scamming. Because sa hirap siguro ng buhay ngayon sa Pinas, with everything happening, economy, inflation and the hardships of life, people are tempted and desperate to earn. But there’s no easy way, maniwala kayo. For example, sa industriya namin, kaming mga artista ang nakikita n’yo lang ‘yung finished product,” makahugang pagbabahagi ni Gerald sa YouTube channel ni Luis Manzano.

Muling nakatrabaho ng aktor sa bagong serye si Jessy Mendiola. Huling nagkatrabaho ang dalawa sa Budoy noong 2011. “Ang ganda ng role niya. It’s a dream role for actresses talaga. Lahat nasa kanya, action, suspense, drama, mystery, love, family. Everything’s there. So madami kayong dapat abangan,” pagdedetalye ng binata.

Napahanga umano si Gerald kay Jessy dahil sa dedikasyon nito sa trabaho ngayon. Nagsisilbing inspirasyon ang aktres sa binata dahil sa pagiging propesyunal nito. “Ang sipag niya dito. Unang-una may pamilya na siya. May asawa na siya, may anak na siya. There’s so many reasons for her not to be there, not to do this. But she was there giving 110%. So, it inspires me even more,” giit ng aktor.

Mapapanood din ang Sins of the Father sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC at TFC.

Shaira, ayaw ipa-ship galling Korea ang wedding gown

Kamakailan ay naganap ang pre-nuptial shoot sa Quezon City para sa na­lalapit na kasal nina Shaira Diaz at Edgar Allan Guzman. Ayon sa magkasintahan ay mayroon din silang  pre-nup shoot sa Korea na tiyak na ikatutuwa ng mga tagahanga. “Sobrang magical for me. It’s a one day shoot. Parang Koreanovela, ‘yon talaga ang peg namin. Because Shaira nga is talagang fan ng K Drama. So ‘yon talaga ang gusto niya,” pagbabahagi ni EA sa 24 Oras.

Isang kanta ang isinulat ng aktor para kay Shaira mahigit sampung taon na ang nakalilipas. Ang bagong kanta ang magsisilbing theme song sa kasal nina EA at Shaira na gaganapin sa Silang, Cavite ngayong Agosto. “’Yung sinulat kong kanta for her ten years ago. Ngayon tapos ko nang i-record. 2015 ko siya isinulat. It’s my original composition. ‘Yung lyrics no’n is about our love story. Paano kami since day 1 nagkita, hanggang sa promise ko sa kanya,” pagdedetalye ng binata.

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ngayon ng magkasintahan para sa kanilang pag-iisang-dibdib. Nakatakdang bumalik sa Korea ni Shaira upang personal na kunin ang kanyang wedding gown. “Susunduin ko siya. Gusto ko nang sunduin sa Korea kaysa i-ship. Kasi baka mamaya magkaroon ng delays, nako, patay! Wala talaga tayong susuutin pa. Babalik ako sa Korea para sure,” nakangiting paglalahad ni Shaira.

Tradisyunal umano ang gustong mangyaring seremonya ng aktres sa kasal. “Gusto ko, ilakad ako ng parents ko. Ihatid talaga ako ng mom and dad ko, especially my dad. ‘Yon din ang promise ng Edgar sa kanya. ‘Ito, ilalakad ko ‘yung anak n’yo. Hindi ko siya lolokohin.’ Finally, tuloy na tuloy na talaga ‘yung wedding,” pagtatapos ng dalaga. — Reports from JCC