MANILA, Philippines — Ang host Vietnam ang kaagad makakatapat ng Alas Pilipinas sa paghataw ng 2025 VTV International Women’s Volleyball Cup bukas sa Vinh Phuc, Vietnam.
Sasagupain ng mga Pinay spikers ang mga Vietnamese hitters sa alas-8 ng gabi.
Itatampok ng Alas Pilipinas ang mga baguhang sina Fil-Americans Brooke Van Sickle, MJ Phillips at Tia Andaya.
Sina Van Sickle, isang two-time PVL MVP, at Phillips ang gumabay sa Petro Gazz Angels sa pagrereyna sa nakaraang PVL All-Filipino Conference laban sa Creamline.
Makakasama nina Van Sickle, Phillips at Andaya sa Alas team sina Jia De Guzman, Vanie Gandler, Eya Laure, Alleiah Malaluan at Leila Cruz.
Samantala, pinayuhan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang PVL na ilinya ang kanilang event calendar sa FIVB Sports Calendar.
Ang pahayag ng PNVF ay mula na rin sa request ng PVL para palawigin ang kanilang registered 2024–2025 season sa FIVB Volleyball Information System o VIS hanggang Oktubre 15.
Hindi ito pinagbigyan ng PNVF.