Gregorio bagong PSC chairman | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — May bago na namang chairman ang Philippine Sports Commission (PSC).

Iniluklok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si rowing association president Patrick Gregorio bilang bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) kapalit ni Richard “Dickie” Bachmann.

Si Gregorio ang magiging ika-13 chairman ng government sports agency.

Sinasabing noong Oktubre pa ikinunsidera ng Malacañang si Gregorio para sa PSC top post.

Ang 57-anyos na nagtatag sa sports marketing arm ng Smart Communications Inc. ay nagsilbing PBA chairman noong 40th season.

Sisimulan ni Gregorio ang kanyang trabaho sa PSC sa Martes at kaagad ihahanda ang mga national athletes para sa 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Thailand.

Sa kanyang pamumuno sa Philippine Ro­wing Association (PRA) ay naipadala ni Gregorio sa Olympic Games sa unang pagkakataon sina lady rower Joanie Delgaco (2024, Paris) at Cris Nievarez (2020, Tokyo).

Tumayo siyang Chef De Mission sa 2024 Paris Olympics kung saan inangkin ni gymnast Carlos Edriel Yulo ang makasaysayang double gold medal.