Bounce-back win ng Gazz Angels


MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Petro Gazz mula sa kabiguan matapos takasan ang Ga­leries Tower, 25-23, 25-21, 26-24, sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa Batangas City Sports Center.

Bumanat si Myla Pablo ng Petro Gazz ng 14 points habang may tig-10 mar­kers sina Jonah Sabete at Joy Dacoron para sa 1-1 baraha ng Gazz Angels sa Pool A.

Nauna nang yumukod ang 2025 PVL All-Filipino Conference champion sa Nxled, 23-25, 25-19, 25-19, 15-25, 10-15, noong Sabado.

Laglag ang Highrisers sa 0-2 baraha na nauna nang minalas sa Choco Mucho Flying Titans.

“Nangyari din kasi sa first game talaga is adjustment lahat. Iyong mga rookies talaga namin nag-a-adjust pa and wala rin iyong mga top players namin like MJ and Brooke,” ani Pablo. “Pero siyempre, kung sino iyong nandito siya na ang gagawa ng paraan kung paano namin iha-handle iyong team namin this conference.”

Humataw si Ysa Jime­nez ng 13 points para pamunuan ang Galeries Tower kasunod ang 10 markers ni Roselle Baliton.

Matapos ilusot ng Gazz Angels ang 25-23 pa­nalo sa first set ay kinuha ng Highrisers ang 18-15 abante sa second set sa likod nina Jimenez at Jewel Encarnacion.

Nakahabol ang Petro Gazz at inagaw ang 22-20 kalamangan sa Galeries Tower patungo sa pagkopo sa nasabing yugto, 25-21, tampok ang service ace ni Antonette Adolfo.

Inangkin Highrisers ang 23-20 bentahe habang bumida si Nicole Tiamzon para kumpletuhin ang straight set win ng Gazz Angels.