MANILA, Philippines — May panibagong career-high ranking si Pinay netter Alex Eala na umangat sa ika-54 puwesto sa WTA live rankings.
Mas maganda ito ng dalawang puwesto kumpara sa kanyang WTA ranking na No. 56 noong nakaraang linggo.
Malaking tulong ang pag-entra ni Eala sa main draw ng Wimbledon Championships kung saan nasilayan ito sa kauna-unahang pagkakataon sa women’s singles.
Bigo si Eala na makausad sa second round matapos lumasap ng 6-3, 2-6, 1-6 kabiguan sa kamay ni defending Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa kanyang debut sa naturang Grand Slam.
“When you’re living your dream, it doesn’t feel real. Yesterday, I was living my dream. Couldn’t have asked for a better debut,” ani Eala.
Masaya si Eala na natupad na ang pangarap nitong makapaglaro sa isang napakalaking torneo gaya ng Wimbledon.
“That match was special in more ways that one — to be able to fulfill a childhood dream and be part of something bigger than myself, history for my country,” dagdag ni Eala.
Nakadagdag sa puntos ni Eala ang kanyang runner-up finish sa Eastbourne Open noong nakaraang linggo.
Nagkasya lamang sa runner-up si Eala nang matalo ito kay Maya Joint ng Australia sa pukpukang finals showdown.
Magandang simula na ito para sa umuusbong na pro career ni Eala.
Umaasa itong makakakuha ito ng magandang break sa kanyang mga susunod na laban.
Nangako si Eala na ibubuhos nito ang lahat sa training upang masiguro na nasa tamang kundisyon ito bago sumalang sa bawat torneong lalahukan nito.
“I need to be ready time and time again.I’ll work hard to be better,” ani Eala.
Nakatakda pang sumalang si Eala sa doubles event kung saan kapares nito si Eva Lys ng Germany.
Makakalaban nina Eala at Lys sina Ingrid Martins ng Bradil at Quinn Gleason ng Amerika sa first round.
Orihinal na makakasagupa nina Eala at Lys sina Olga Danilovic ng Serbia at Anastasia Potapova ng Russia subalit napalitan ito base sa draw ng Wimbledon.