MANILA, Philippines — May paalala si dating world champion Keith Thurman kay eight-division world champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa nakatakdang laban nito kay reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 19.
Alam ni Thurman ang taktika ni Barrios dahil nagharap na ang dalawa sa isang 12-round fight noong Pebrero 5, 2022 kaya’t kabisado nito ang galaw nito.
Tinalo ni Thurman si Barrios via unanimous decision.
Kaya naman may payo si Thurman sa Pinoy champion.
“But one thing I took away, even though I beat him, is that he has a really good jab,” ani Thurman sa panayam ng Fight Hype.
Ang solidong jab ni Barrios ang naging armas nito para talunin si Yordenis Ugas noong 2023.
Matatandaang si Ugas ang tumalo kay Pacquiao sa kaniyang huling professional fight noong 2021 bago ito magretiro sa boksing.
“He used that jab when he beat (Yordenis) Ugas, and Ugas beat Pacquiao because he stayed long. So I think if Barrios works that jab of his, makes the old man use his legs and work really hard to get inside, I think he can pull it off,” kuwento pa ni Thurman.
Gayunpaman, tiwala si Thurman na matatalo ni Pacquiao si Barrios.
Kailangan lamang ni Pacquiao na maikundisyon ang katawan nito.
Kung makukuha ni Pacquiao ang 100 porsiyento, walang duda na magiging mabagsik ito sa pagharap nito kay Barrios.
Nasa pukpukang ensayo na si Pacquiao sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.