Maging si Bea Alonzo ay nakiramay kay Manay Lolit Solis na nakatakdang ihatid ang abo sa Holy Cross Cemetery ngayong araw.
Crinemate siya kahapon. Hinintay ang dalawa niyang anak na sina Sneezy at Sloopy galing Amerika bago siya icrinemate kaya ilang araw rin siyang ibinurol sa Aeternitas Chapels and Columbarium.
Dagsa ang mga flower arrangement na mga mamahalin.
But anyway, umagaw ng pansin ang pangalan ni Bea dahil common knowledge na oo nga at nagkaayos sila sa birthday celebration ng Beautederm President and CEO Rei Tan, nagalit naman diumano ang manager ni Bea sa negosyante.
Samantala, hindi man nakilala ni Nay Lolit nang personal si Belle Mariano, nagbigay naman ito ng abuloy na ikinagulat ng ilang malalapit kay Nay Lolit. Naging favorite ni Nay Lolit na i-post ang Kapamilya star dahil hindi nga raw ito nakakalimot tuwing may espesyal na okasyon.
Hindi naman agad nag-sink in kay Mark Herras ang balitang pumanaw na ang dating manager niya sa edad na 78 nitong July 3.
Pero recently lang pala ay nagkita sila sa isang bangko sa QC. “Nagkita kami after nu’ng mga nangyari (na kontrobersiya). Sabi ko, ‘’Nay! O, anong ginagawa mo rito, binabantayan mo na naman kayamanan mo?’ Sabi sa ‘kin, ‘oo, kasi ‘andito ka, eh.’ Doon kami nagkikita madalas sa mga sweldo-sweldo before,” pagbabalik-tanaw ni Mark sa huling pagkikita nila ni ‘Nay Lolit sa isang branch ng Metrobank.
Matatandaan na nagkaroon ng tampuhan at falling out ang dalawa nang mapabalitang nanghihiram ng pera ang aktor sa former manager at nang magkomento si Nay Lolit nung rumaket si Mark sa isang gay bar.
Pero aminado si Mark na ramdam niyang nahihirapan ang minsan ay itinuring niyang nanay. “Kasi before may tito akong ganu’n, dina-dialysis, then nu’ng medyo ‘di na kinakaya nu’ng katawan, bumigay na. So, pero at least, hindi na mahihirapan si Nanay, tapos na ‘yung paghihirap niya. Alam natin kahit tsumitsismis ‘yan, hanggang bago siya nawala, eh, iba na rin ‘yung sakit na nararamdaman niya. So at least, nakapagpahinga na siya,” sabi pa ni Mark.
Nilinaw rin niyang, umalis man siya sa poder ni Nanay, wala siyang anumang naging sama ng loob dito. “Kaya lang naman ako umalis kay Nanay before kasi parang nu’ng nagkaroon kami ng isyu, siyempre, it’s not like before na ako lang, ‘di ba? Siyempre may pamilya na ‘ko, may asawa na, tapos ‘di sila ganu’n kasanay sa intriga. Kaya ‘yun… that’s the only reason ba’t ako umalis kay Nanay.
“Pero sama ng loob (umiiling)? (Si) Nanay pa? Baka siya pa ‘yung… (kung ako lang) oo naman kumbaga, tatawanan ko lang ‘yon, eh, ‘di ba? It’s different now, ‘di na ako bata, ‘di na ako… alam mo ‘yon, ang pinaka-iniingatan ko lang is ‘yung sa pamilya ko,” paliwanag ni Mark.
Anyway, maliban sa aktor, dumating din para makiramay sa mga naulila at magbigay-pugay kay ‘Nay Lolit sa Aeternitas Chapels and Columbarium sina Zsa Zsa Padilla, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Harlene Bautista at Federico Moreno, Polo Ravales, Anthony at Rossel Taberna, atbp.
Siyempre, naroon din ang mga alaga ni ‘Nay Lolit na sina Christopher de Leon, Sandy Andolong, Paolo Contis, Gydel Mercado at Benjie Paras.
