MANILA, Philippines — Wala pang kasiguraduhan na makalalaro si Zavier Lucero para sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup na idaraos sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kasama si Lucero sa apat na players na idinagdag ni head coach Tim Cone sa Gilas Pilipinas pool para sa naturang asian meet.
Subalit nilinaw ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na hindi pa kumpleto ang mga dokumento ni Lucero dahil Philippine passport pa lamang ang mayroon ito.
Kasalukuyan pang nasa Amerika si Lucero para sa maikling bakasyon.
Umaasa si SBP executive director Erika Dy na magiging eligible si Lucero para maging local player ng Gilas Pilipinas.
Kung hindi makukumpleto ang mga papeles ni Lucero, posibleng tuluyan na itong hindi makalaro para sa FIBA Asia Cup.
Nagsimula na ang paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Cup kung saan sumalang na sa ensayo ang tropa noong Lunes.
Nilinaw ni Cone na ang apat na nadagdag ay para lamang sa FIBA Asia Cup tournament.
Inaasahang isisiwalat ni Cone ang Final 12 ng Gilas Pilipinas ilang araw bago magsimula ang FIBA Asia Cup.
Bago tumulak pa Jeddah, sasalang mula ang Gilas Pilipinas sa tuneup game laban sa Macau Black Bears sa Hulyo 28 sa Smart Araneta Coliseum.
Matinding laban ang pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas dahil nasa Group D ito kasama ang powerhouse New Zealand, Chinese-Taipei at Iraq.