Win No. 2 puntirya ng PLDT at Petro Gazz


MANILA, Philippines —  Ang ikalawang sunod na panalo ang hangad ng PLDT at Petro Gazz, ha­bang ipaparada ng Farm Fresh sina Ces Molina at Ri­ri Meneses kontra sa Cho­co Mucho sa 2025 Pre­mier Volleyball League On Tour.

Magkikita ang High Speed Hitters at Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Foxies at Flying Ti­tans sa alas-4 ng hapon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela.

Bumabandera ang Nxled sa Pool A bitbit ang 2-0 record kasunod ang PLDT (1-0), Petro Gazz (1-1), Cho­co Mucho (1-1), Farm Fresh (0-1) at Galeries To­wer (0-2).

Namamayani naman ang Cignal HD sa Pool B sa kanilang 3-0 kartada sa itaas ng Chery Tiggo (2-0), Creamline (2-1), ZUS Coffee (1-1), Akari (1-3) at Ca­pital1 Solar Enery (0-3).

Winalis ng High Speed Hiters ang Foxies, 25-18, 25-21, 28-26, na dumiskaril sa PVL coaching debut ni Italian mentor Alessandro Lodi.

Kumamada sina Kiesha Bedonia at Mika Reyes ng pinagsamang 24 points para sa PLDT.

Itatapat ng Petro Gazz sina Myla Pablo, Jonah Sa­bete at Joy Dacoron.

Samantala, isasalang ng Foxies sina Molina at Meneses sa pagharap sa Flying Titans.