MANILA, Philippines — Matapos ang kontrobersyal na panalo sa Game One noong Linggo ay gusto ng TNT Tropang 5G na talunin ang San Miguel sa isang kumbinsidong paraan sa Game Two ng Season 49 Philippine Cup Finals.
Tangan ang 1-0 lead, lalabanan ng Tropang 5G ang Beermen ngayong alas-7:30 ng gabi sa kanilang best-of-seven championship series sa Smart Araneta Coliseum.
Itinakas ng TNT ang dramatikong 99-96 panalo sa San Miguel sa series opener kung saan binawi ng technical officials ang slam dunk ni Moala Tautuaa sa huling 56.1 segundo sa fourth quarter.
Inaasahan ni Tropang 5G coach Chot Reyes na reresbak ang Beermen para makatabla sa serye.
“We expected it. We had no illusions that San Miguel would just roll down, roll and lay down. So we kept talking to our players to just relax, stay calm,” ani Reyes.
Umiskor ang nagbabalik na si Roger Pogoy ng 23 points tampok ang tatlong three-point shots at dalawang four-pointer para sa panalo ng TNT.
Ito ang unang laro ng 33-anyos na Cebuano hotshot simula nang magkaroon ng hamstring injury sa Game Two ng semifinals showdown ng Tropang 5G Rain or Shine Elasto Painters.
“Sa totoo lang, hindi pa ako kasama sa 5-on-5 talaga, takbo takbo lang ako,” wika ni Pogoy. “Sinabi ko lang na kapag ipinasok ako, titira lang ako, buti na lang pumasok.”
Muling makakatuwang ni Pogoy sina Calvin Oftana, Brandon Ganuelas-Rosser, Poy Erram, Kelly Williams, Glenn Khobuntin, Kim Aurin at Brian Heruela.
Gigil naman ang Beermen na bawian ang tropa ni Reyes para makaiwas na mahulog sa 0-2 butas sa serye.
“I told the team it’s beyond our control so let’s focus and let’s move forward. Let’s be motivated by the incident,” ani mentor Leo Austria na muling aasa kina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Chris Ross at Tautuaa.
