Muling nakatuntong si Ryza Cenon sa bakuran ng GMA Network pagkalipas ng pitong taon.
Magkahalong emosyon ang naramdaman ng aktres nang bumisita sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda. “Kinakabahan and excited po siyempre. ‘Yung mga guard pagpasok ko, kilala pa rin ako, nakakatuwa po na mainit pa rin ‘yung pagtanggap nila sa akin kahit po ang tagal ko nang hindi nagpupunta rito. Ito ‘yung una kong tahanan talaga. Dito po nabuo si Ryza Cenon,” nakangiting bungad ni Ryza.
Matatandaang unang sumikat si Ryza bilang Ultimate Female Survivor ng StarStruck season 2 ng Kapuso network. Hindi raw noon inakala ng dalaga na magiging isang artista sa telebisyon at pelikula. “Hindi po, ang nangyari lang po niyan, ‘yung pinsan ko po talaga dapat ‘yung mag-o-audition. Hindi pa siya pwede dahil hindi pa siya 16 at that time. Ako po ‘yung pasok sa age. Sayang daw po ‘yung punta, ako na lang daw po ‘yung mag-audition,” kwento ng aktres.
Noong nagsisimula pa lamang sa industriya si Ryza ay madalas na sila ni Jennylyn Mercado ang pinagbabangga. Nagkaroon pa umano ng hidwaan ang dalawang aktres noon. “Wala na po ‘yon, tapos na po ‘yon. May pamilya na po kami. may mga anak na po kami. Ngayon nga po may nag-inquire na guesting for Sanggang Dikit, sa show po ni Jen. Tinatawanan na lang ‘yon. Wala na, tapos na po ‘yon,” giit niya.
Hindi naging madali para sa aktres ang kanyang mga pinagdaanan noong nagsisimula pa lamang sa show business. “‘Yung naging experience ko po that time, hindi naman po talaga biro. That time po kasi wala naman akong gano’ng kalakas na support system. May mga times na may mga suicidal thoughts po ako that time. Kasi wala po akong nakakapitan, dasal. May mga friends naman po ako pero mas marami akong nakakausap na fans. Importante po ‘yon,” paglalahad ni Ryza.
Nagdesisyong lisanin ni Ryza ang Kapuso network noong 2018 dahil nangarap na mas maraming artista pa ang makatrabaho.
Naghangad din ang aktres ng mas malaking kita para sa pamilya. “Sinabi ko naman po na gusto kong mag-explore. Gusto kong lumaki pa, lumawak pa ‘yung mundo ko. Like gusto ko pong gumawa ng pelikula. Gusto ko pa pong makakilala, makatrabaho pa ng iba pang artista. Hindi po ako umalis ng GMA na basta umalis na lang. Nagpaalam po ako nang maayos. Umakyat po ako sa taas. Inisa-isa ko po sila para magpaalam po. May gift pa po ako, nagbigay ako ng gift. Hindi po basta-bastang desisyon, humingi pa po ako ng advice. Tao lang po ako, may pangangailangan din po ako. Breadwinner din po ako, kailangan ko din pong kumita. Isa rin po ‘yon sa rason,” pagtatapat ng aktres.
Samantala, malaki na umano ang nagbago sa buhay ni Ryza mula nang magkaroon ng sariling pamilya. Maglilimang taong gulang na ngayon ang anak ng aktres at kasintahang si Miguel Antonio Cruz na si Night. “Ngayon po kasi noong naging mother ako, parang naiba po ‘yung priorities ko. More on kay Night, mas importante po talaga siya lalo na no’ng pandemic, pandemic baby po siya. Cool po ako (bilang ina) pero istrikto,” pagbabahagi ni Ryza.
Kahit masaya at maayos ang relasyon nina Ryza at Miguel ay hindi naman daw nagmamadaling magpakasal ang dalawa. “’Yung wedding event lang po siya for me. Pero ‘yung patitibayon n’yo ‘yung foundation ng pagsasama n’yo, for me ‘yon po ‘yung mas importante. Kasi ang marriage naman po, any age pwede kayong magpakasal. Pero kung hindi naman gano’ng katibay and magpapakasal kayo and maghihiwalay kayo, sayang. Sayang naman po ‘yung vows na sinabi n’yo kay God kung hindi n’yo naman gagawin. Mas importante po sa akin na sigurado ako, na kami. Kahit sino pa ‘yung dumating sa buhay namin, kung matibay kami, walang makakasira,” makahulugang paliwanag niya. — Reports from JCC
