MANILA, Philippines — Matinding laban ang haharapin ni reigning World Boxing Council (WBC) champion Mario Barrios bago madepensahan ang kanyang korona.
Haharap ito sa mabagsik na Manny Pacquiao na nasa perpektong kundisyon na ilang araw bago ang laban.
Sasambulat ang salpukan nina Barrios at Pacquiao sa Hulyo 19 (Hulyo 20 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada kung saan itataya ng una ang kanyang korona kontra sa Pinoy pug.
Alam ni Barrios na hindi magiging madali ang daang tatahakin nito bago madepensahan ang kanyang titulo dahil hindi biro ang kanyang makakaharap.
Binabantayan ng kampo ni Barrios ang paghahanda ni Pacquiao.
At kita nito ang bilis at husay ng Pinoy champion.
Ilan sa mga napuna ni Barrios ang bilis at liksi ng kamao ni Pacquiao na nasa magandang kundisyon.
“Manny’s movement and hand speed are looking on point right now,” ani Barrios sa panayam ng The Ring.
Mataas ang respeto ni Barrios kay Pacquiao na legend na sa mundo ng boksing matapos makalikom ng kaliwa’t kanang korona sa walong magkakaibang dibisyon.
May mga estilo rin si Pacquiao na hindi maduduplika nino man.
“That’s what has always made him a great fighter. He doesn’t have an easy style to replicate, and that can make sparring tricky. That’s one of the reasons he’s been so successful and why he’s in the position that he is,” ani Barrios.
Kaya naman gumagawa na ng game plan ang kampo ni Barrios kung paano nito sasalagin ang bawat suntok na pakakawalan ni Pacquiao.
Kailangan lang aniya ng tamang kumbinasyon upang matapatan ito.
“Timing always beats speed and I have great timing. I have fast hands and fast feet, too. I just choose not to use it all the time. I have faith in everything I am preparing,” ani Barrios.
Inihayag ni Barrios na ibubuhos nito ang buong lakas nito sa oras na magsimula ang laban.
Walang balak si Barrios na magpakampante kahit legendary boxer pa ang makakaharap nito.
