MANILA, Philippines — Wala nang kontrobersyal na basket interference kumpara sa Game One.
Niresbakan ng San Miguel ang TNT Tropang 5G, 98-92, sa Game Two para tumabla sa Season 49 Philippine Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang Beermen mula sa 96-99 kabiguan sa series opener noong Linggo para idikit sa 1-1 ang kanilang best-of-seven championship series.
Kumamada si Don Trollano ng 22 points mula sa 10-of-16 field goal shooting at may 17, 16 at 10 markers sina June Mar Fajardo, Mo Tautuaa at Jeron Teng, ayon sa pagkakasunod.
“We’re so lucky that we didn’t commit a lot of turnovers,” sabi ni coach Leo Austria. “So it was a balanced scoring.”
Mag-aagawan sa 2-1 lead ang magkaribal sa Game Three bukas sa Big Dome.
Hindi kagaya sa Game One, nakapagtayo ang San Miguel ng 13-point lead, 51-38, sa halftime mula sa pagbibida ni Teng.
Napababa ito ng TNT sa 61-64 sa likod ng tig-dalawang triples nina Calvin Oftana at Ganuelas-Rosser sa 5:16 minuto ng third period.
Tuluyan nang nakatabla ang Tropang 5G sa 77-77 mula sa tres ni Glenn Khobuntin sa pagsisimula ng fourth quarter bago kumamada si Trollano para ilayo ang Beermen sa 94-84 sa huling tatlong minuto ng laro.
Ang free throw ni Fajardo at fastbreak layup ni Tautuaa, natawagan ng basket interference sa Game One sa huling 56.1 segundo, ang nagbigay sa SMB ng 98-88 kalamangan sa natitirang 38 segundo.
Pinangunahan ni Oftana ang TNT sa kanyang 23 points kasunod ang 15 markers ni Jordan Heading.
May anim na marka lamang si Roger Pogoy matapos humataw ng 23 points sa Game One.
