JC, matagal nang fan ni Barbie


Simula July 30 ay mapapanood na sa mga sinehan ang pelikulang P77 na pinagbibidahan ni Barbie Forteza.

Kabilang din sa naturang horror film si JC Alcantara. Isang malaking karangalan umano para sa aktor na makatrabaho si Barbie sa isang proyekto.

“Isang karangalang makatrabaho si Barbie. I’m a fan since 2011. Bata pa lang ako, pinapanood ko na siya, and sobrang grateful ko din. Thankful kasi alam n’yo po, sa dinami-daming artista, ako ‘yung nabigyan ng chance. Kinakabahan, tapos si Barbie Forteza pa, ang pangarap kong makatrabaho,” nakangiting pahayag ni JC.

Napahanga umano ang binata sa pagiging magaling na aktres ni Barbie. Ayon kay JC ay isa ang Kapuso actress sa mga nakilala niyang mabait sa lahat ng katrabaho. “Sobrang saya katrabaho, sobrang bait. Makikita mo dedikado siya sa trabaho niya. Nagbabasa siya ng script, nando’n lang siya sa gilid. Ang saya palang katrabaho niya. Ang warm lang, lahat ng nasa paligid talagang bibigyan niya ng pansin kaya ang saya. sana hindi pa ‘to ‘yung last,” paglalahad ng aktor.

Dapat daw na pakaabangan ng mga manonood ang karakter nI JC bilang si Theo sa bagong horror movie. “Kailangan hindi ka magpatalo ng kaba kasi horror ‘to. So kailangan, matakot ko pa rin siya. Kailangang maparamdam ko pa rin sa kanya na nandito ako sa character na ito,” pagbabahagi ng binata.

Katrina, galit kay Jennylyn

Muling nagkatrabaho sina Katrina Halili at Jennylyn Mercado pagkalipas ng dalawang dekada. Mapapanood na rin si Katrina tuwing gabi sa Sanggang Dikit FR na pinagbibidahan nina Jennylyn at Dennis Trillo.

“First time ko makatrabaho ulit si Jen. Kasi last na work namin is 2004. Sabi ko nga sa kanya, na-excite naman ako kasi super close ko ‘yun,” bungad ni Katrina.

Magkasabayan ang dalawang aktres sa StarStruck kung saan si Jennylyn ang tinanghal na Ultimate Female Survivor. Magkumareng buo ang dalawa dahil ninang ni Jazz na anak nina Jennylyn at Patrick Garcia si Katrina.

Ninang naman ni Katie na anak nina Katrina at Kris Lawrence si Jennylyn. Kahit malapit na magkaibigan sa tunay na buhay ay kabaligtaran naman ang matutunghayan ng mga manonood sa naturang action series ng GMA Network.

“Kung gaano kami ka-close sa personal, dito naman hindi talaga. Parang matindi talaga ‘yung galit ko sa kanya. Masama loob ko,” paliwanag ng Kapuso actress.

Aminado si Katrina na talagang nanibago sa mga unang eksena nila ni Jennylyn sa serye. Madalas kasing nagkukuwentuhan at nagtatawanan ang dalawa kapag walang ginagawang eksena.

“Nakatitig ako sa kanya. Natatawa ako kasi ‘pag nag-uusap kami no’n, comedy talaga,” kwento niya. (Reports from JCC)