Kylie, iwas pag-usapan ang anak ni Aljur kay AJ


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

Sinubukan na­ming kontakin si Kylie Padilla kahapon sa taping ng My Father’s Wife para hingan sana ng reaksyon sa rebelasyon ni Jeric Raval na dalawa na pala ang apo niya sa anak ­niyang si AJ Raval at  partner nitong si Aljur Abrenica.

Matagal nang pinag-uusapan ang pagkakaroon ng anak ng dalawa, pero wala silang pag-amin.

Ang buong akala ng karamihan ay isa lang ang kanilang anak, nakadalawa na pala.

Inamin ni Jeric na dalawa na ang apo niya kina Aljur at AJ, at parang hindi pa siya sure sa edad. Hanggang sa sinabi niyang; “Yung bunso, two months. Yung isa, 1 year.”

Babae raw yung una na Athena ang pangalan, at ang pangalawa raw ay Junior ang tawag niya.

Sa dami nang mga apo ni Jeric, sanay na raw siya sa pagiging lolo.

“Okay lang. Sanay naman ako sa mga apo apo. 15 na yung apo ko e. Excited to be called lolo, tanda na ako. Ang tawag lang sa akin, ‘tatay Eric’, yun yung pangalan ko kasi,” pakli nito.

Masaya na rin daw siya sa anak niyang si AJ dahil alam niyang ganitong simpleng buhay lang ang gusto niya.

Mas gusto niya ganyan. Hindi naman kasi mapag-make up yung batang yan. Nagpatanggal nga siya ng dito di ba?

“Meron siyang ano bang tawag dun? Para ma-enhance…yung silicon. Hindi siya sanay sa ganun,” habang tinuturo ang dibdib nito.

Wala naman daw problema sa kanila ni Aljur na parang magbabarkada lang daw sila.

Ang hinihintay ngayon ay ang reaksyon ni Kylie Padilla sa isyung ito.

Naalala ko ang isang interview ko kay Kylie sa look test ng pelikulang The Lotto Winner ng Mavx Productions na pinagsamahan nila ni Albert Martinez. Napag-usapan namin ang co-parenting nila ni Aljur sa dalawa nilang anak.

Mas okay raw sila ngayon ni Aljur at ka­makailan nga ay masaya nilang sinamahan ang kanilang dalawang anak na nanood sa circus.

Nabigla si Kylie sa pasimpleng tanong ko kung kumusta naman ang mga anak niya sa kapatid nila kina Aljur at AJ.

Akmang hahampasin ako, dahil muntik na siyang napasagot. “Hindi ko alam yan…” natatawa niyang sagot sa akin.

“Basta okay sila. Nilalagay mo pa ako sa…anyway. Basta okay sila,” sabi pa ng Kapuso actress.

Tinanong pa ako ni Kylie pagkatapos ng interview kung meron ba siyang nasabi tungkol sa napabalitang anak ng mag-partner na Aljur at AJ.

Gets naman namin si Kylie kung ayaw niyang mag-comment tungkol dun.

Late call siya sa taping ng My Fathers Wife kahapon kaya hindi na namin nahintay kung magsasalita ba siya tungkol sa isyu nina Aljur at AJ.

Basta okay naman daw sila ni AJ, at ni­linaw ng ilang taong nakakaalam sa kuwento nila na hindi si AJ ang dahilan ng hiwalayang Aljur at Kylie.

May ibang third party involved, pero hindi raw si AJ na ayaw sabihin ni Kylie kung sino ito.

Paolo, Chariz, Boy, aminadong hirap magpatawa

Maayos na nairaos ng PMPC ang kanilang 37th Star Awards for TV na ginanap sa Convention Center ng VS Hotel noong nakaraang Linggo.

Maagang dumating ang mga winner na na-announce na habang medyo late  nagdatingan ang mga winner ng major categories.

Kagaya ni Alden Richards na nanalong Best Single Performance by an Actor at si Rochelle Pangilinan sa Best Single Performance by an Actress mula sa Magpakailanman.

Namataan din naming bandang kalagitnaan na ng awarding na  duma­ting si Rhian Ramos kasama ang partner niyang ang dating Cong. Sam Versoza.

Si Rhian pala ang winner sa Best Drama Actress na nakuha niya sa seryeng Royal Blood. Si Joshua Garcia naman ang Best Drama Actor ng Unbreak My Heart.

Ang pogi pogi naman ng batang si Euween Mikhael na nanalong Best Child Performer.

Ang ganda naman ng mensahe ng nanalong Best Comedy Actor Paolo Contis at Best Comedy Actress Chariz Solomon nang tinanggap nila ang kanilang award.

Nagpasalamat si Paolo sa PMPC sa pagbigay nitong award sa panahon na talagang mahirap na raw ngayon magpatawa.

“Gusto lang namin magpasaya ng tao. That’s all that we want. So chill!” bahagi ng kanyang acceptance speech.

Ibinahagi rin ni Paolo ang naturang parangal sa kanyang namayapang talent manager na si Manay Lolit Solis. Nagpalakpakan ang mga tao nang nabanggit ang pangalan ni Manay Lolit.

Sinundan din ni Chariz Solomon ang pahayag ni Paolo tungkol sa pagpapatawa ngayon na marami ka pang dapat i-consider na walang may mao-offend.

Ani Chariz; “Kami po hindi na namin tinitingnan kung ano yung makukuha namin. We just work because we love our job. We work for our families. It makes us happy, to make people happy, and that’s we need right now in the world.”

Umayon si Kuya Boy Abunda sa sinabi nila, at ibinahagi pa niya ang komento noon ng nasirang si Joan Rivers na talagang mahirap daw magpatawa sa ngayon dahil kailangang hindi ka makaka-offend sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

“We need to laugh!” sabi naman ni Pops Fernandez na co-host ni Kuya Boy sa naturang parangal.

Congratulations din pala kay Kuya Boy Abunda sa paghakot ng awards na Best Celebrity Talk Show Host mula sa Fast Talk With Boy Abunda na siya ring nanalong Best Celebrity Talk Show.

Napanalunan din ni Kuya Boy ang Public Affairs Program Host, kasama sina Sens. Pia at Allan Peter Cayetano ng Cayetano in Action With Boy Abunda na siya ring nanalong Best Public Affairs Program.