Inaasahan na ang pananahimik ni Paolo Contis sa pagsasalita ni Yen Santos sa kanyang You Tube channel.
Wala mang binanggit na pangalan si Yen, pero alam naman ng lahat na si Paolo ang tinutukoy niya. Unless, meron pa siyang nakarelasyon pagkatapos ng sa kanila ng Kapuso actor.
“Hamona!” matipid niyang sagot sa akin nang hiningan ko siya ng sagot tungkol sa pasabog ng dating karelasyon.
Kamakailan lang ay naka-chat ko pa si Yen sa messenger at masaya naman ang tsikahan namin.
Handa na kasi siyang bumalik sa trabaho at may mga interesadong kunin siya. Kaya nilinaw ko sa kanya kung sa Star Magic pa rin ba siya.
May nag-inquire kasi para sa isang project sa GMA 7. Ang akala nila wala na ito sa Star Magic. Kaya ibinigay ko na lang sa nag-inquire ang contact number ng handler nito sa Star Magic.
Ngayon ay nagsalita si Yen sa kanyang You Tube channel at pasabog nga itong sinabi niyang traumatic ang nakaraan niyang relasyon dahil sa manipulation at control na ginawa sa kanya.
Hindi maidetalye ni Yen kung ano talaga ang ginawa sa kanya dahil tiyak maraming mabubunyag.
Samu’t-sari nga ang reaksyon ng netizens sa mga sinabi ni Yen dahil sabi nga niya, hindi maganda ang pagsisimula ng kanilang relasyon dahil may natatapakan at naagrabyado kaya humihingi siya ng paumanhin.
Pero doon sa sinabi niyang “traumatic” hindi na magsasalita si Paolo tungkol diyan, dahil sa pagkakaalam namin may mga traumang pinagdaanan si Yen bago pa pinasok ang pakikipagrelasyon kay Paolo.
Sayang at wala palang nagawa ang relasyon nila ni Paolo para matakasan ang trauma na iyun.
Kasi trauma rin ang nangyari kay Paolo na ang dami niyang hinarap para ipaglaban ang relasyon nila ni Yen.
Ang dami niyang isinakripisyo, ang batikos ng mga tao, panghuhusga at pati ang trabaho ay naapektuhan. Pero wala siyang pinagsisihan, dahil nangibabaw ang pagmamahal at kung ano man iyung mga hindi magandang nangyari, bahagi na iyun sa isang relasyon.
Kaya wala raw talaga siyang sasabihing hindi maganda.
Okay na kung gusto ni Yen bumalik sa pag-arte, at itong pagsasalita niya sa kanyang You tube channel, hindi kaya nabuyo lang ito ng ilang taong nakapaligid sa kanya?
zanjoe, handa ring magpa-sexy
Tuluy-tuloy pa rin ang pag-ulan, at ang iba ay nasa malls na lang at nanood ng sine ang iba.
Palabas sa SM cinemas ang pelikulang Sunshine ni Maris Racal at maganda raw ang turnout ng moviegoers. Halos puno ang mga sinehan.
Exclusive lang ito sa SM Cinemas na iyun din ang ginagawa ng iba.
Kagaya nitong pelikulang How To Get Away From Your Toxic Family na magso-showing na sa SM cinemas simula July 30.
Matapang na inilahad ang paksang tinalakay sa Sunshine, at magagaling ang mga artista rito lalo na si Maris.
Ganundin ang How To Get Away From Your Toxic Family na magaling silang lahat, lalo na si Zanjoe.
Huling napanood namin ang aktor sa Netflix sa pelikulang Keys to the Heart na napansin ang galing niya roon.
Hindi naman daw talaga ganun kadali ang ganung pag-arte.
“Isa sa pinakamahirap, masasabi ko. Hindi siya madali,” pakli ni Zanjoe.
“Kasi unang-una, nakita nyo naman, wala kaming mga big scenes, o maraming locations.
“Ang talagang istorya na pinakabida rito, e, yung bahay namin, yung bahay nung buong pamilya.
“Nakakatuwa na kahit doon lang kami naglaro, kahit doon lang tumatakbo ang istorya, para sa akin, isa ito sa mga characters na may pinakamaraming tatamaan o mas maraming makaka-relate, at may makukuhang aral.
“Kaya masasabi kong isa ito sa Top 5 ko na characters na nagustuhan ko at pinaka-hindi madaling nagawa,” dagdag niyang pahayag.
Pawang makabuluhang pelikula ang ginagawa niya. Kaya tinanong namin kung tapos na ba siya sa dati niyang ginagawa na napapa-sexy sa ilang maseselang eksena.
Ni-remind namin sa kanya ang pelikulang Malaya nila ni Lovi Poe na talagang napahubad siya nang bonggang-bongga.
Okay lang ba sa kanyang gumawa uli ng ganung pagpapa-sexy?
“Puwede pa, kaya pa!”
Wala pa rin siyang limitations?
“Hindi naman. Ahh actually iyong Malaya naman ay isang napakagandang script din,” pagmamatwid ni Zanjoe.
“Hindi ko naman nakitaan iyun ng script na parang may pagka-sexy. Depende pa rin, e.
“Like ito, family drama. May mga nagawa na akong family drama na pelikula at mga teleserye.
“Pero ito, iba, e. Diretso. Diretso iyong atake niya. Wala kaming iniwasan. Ito iyung project na sabi nga nila, after matapos, parang magkakaroon ng discussion.
“Isa na iyun sa pinakamagandang fulfillment bilang aktor, na merong discussion after mapanood iyong pelikula.
“Eto nga, di ba, parang hindi natin hinaharap yung mga ganitong klaseng sitwasyon sa pamilya natin, sa buhay natin. Dahil siguro hindi natin tanggap.
“Pero kung may ilang pamilya, o ilang miyembro ng pamilya na makanood nitong pelikula at hindi nila pinag-uusapan yung ganoong klaseng ka-toxic-an sa loob ng bahay nila, sa pamilya nila…
“Sana, kahit papaano, hindi man nila pag-usapan after nilang manood ng pelikulang ito, may mabago sa mga ugali nila, at sa mga relasyon nila sa loob ng bahay nila.
“Kahit hindi nila pag-usapan buong pamilya, dahil sa movie na ito, medyo natamaan or may reflection.
“Isa nang malaking fulfillment sa akin iyun kumbaga,” sabi pa ni Zanjoe Marudo.
