Actor-produ itinakbo ang P2 milyon ng isang negosyante na pang-ayos sa BIR


Nagpatulong ang isang businessman na kaibigan ng isang aktres kung saan niya matatagpuan ang actor-producer na nakatrabaho niya noon sa ilang projects.

Hindi lang niya idinetalye kung ano ang pinagsamahan nila, pero dahil sa maayos naman daw ang samahan nila noon, nagtiwala na siya rito kay actor-producer.

Nagpatulong daw siyang ayusin ang problema niya sa BIR. Sabi raw ni actor-producer ay maaayos niya ito. Umabot daw ng halos P2 million ang kailangan niyang ilabas para maayos ito sa BIR.

Kaagad na ibinigay raw niya ang datung kay actor-producer.

Magmula nu’n hindi na raw ito nagpakita sa kanya. Hindi na ma-contact. Hindi rin naayos ang problema niya sa BIR.

Ang bait pa naman daw nitong businessman na nagtiwala lang talaga siya kay actor-producer.

Ilang buwan na raw ang lumipas, hindi na matagpuan si actor-producer.

Kaya isa ako sa nilapitan ng kaibigang aktres para magtanong tungkol dito kay actor-producer.

Baka may ideya raw ako kung nasaan ito.

Nagtanung-tanong naman ako, ang sabi ng ilang malapit dito kay actor-producer, nasa ibang bansa raw. Hindi lang alam kung saang bansa.

Dati nang nasangkot si actor-producer sa mga ganitong isyu, ang buong akala namin ay naayos na niya.

Kailan kaya magpapakita uli si actor-producer? ‘Di ba may nakabinbin pa siyang pelikula?

Kelvin, pinaghahandaan ang pagdidirek ni Alessandra!

Nakakatuwa ang mga pelikulang nag-showing kahapon dahil pawang magaganda. Pero inaalam pa namin kung alin ang malakas sa takilya.

Magkasabay na nag-showing ang How To Get Away From My Toxic Family exclusively sa SM cinemas, at lahat na mga sinehan naman nag-showing ang P77 ni Barbie Forteza at ang Lasting Moments nina Sue Ramirez at JM de Guzman.

Nakaka-proud ang tatlong pelikulang ito dahil pawang magaganda.

Meron namang isa pang magso-showing sa Aug. 6 ang Meg & Ryan na pinagbibidahan nina Rhian Ramos at JC Santos.

Maganda rin ang pelikulang ito na isinulat ni Gina Marissa Tagasa at dinirek ni Cathy Camarillo.

Napanood namin ito sa premiere night na ginanap sa SM Megamall noong Martes.

Maganda ang kuwento ng love story at magagaling ang mga artista rito tulad nina Rhian at JC, pati si Ces Quezada na gumaganap bilang ina ni JC. May mga eksena silang mag-ina na nakakaantig sa puso.

Pero maraming mga eksenang ang galing talaga nina JC at Rhian.

Nagpasalamat si Rhian kay JC dahil inile-lead daw siya para makaarte nang maayos.

Sana magustuhan ito ng mga tao, at tangkilikin nila.

Doon pa rin sa premiere night ng Meg & Ryan, sandali naming nakatsikahan si Kelvin Miranda na sumuporta roon sa premiere night.

Ang saya niya dahil sa magandang resulta ng Sang’gre at pina-sample pa nga siya roon kung paano mapalabas ang brilyante ng tubig.

Napaka-graceful ng pagkumpas ng kamay niya para lumabas ang brilyante ng tubig.

Nakakatuwa raw dahil lalong tumaas ang viewership nila.

Posible kayang ma-extend sila, kahit matagal na nilang natapos ang taping nito?

Sagot ni Kelvin, “May posibilidad po, pero ‘yung schedule ng lahat ng mga artista ay nililikom na nila… parang two months ago nung natapos kaming mag-taping.

“Ayun ‘yung mga pangyayari, naging maganda ‘yung bunga ng Sang’gre, kaya nagkaroon na ng schedule ‘yung bawat isa.

“Hopefully, maayos namin ito para mag-extend.”

Tatlong araw nang natatalo ng Sang’gre and Batang Quiapo, pero sabi naman ni Kelvin, hindi naman daw nila iniisip na kumpe­tisyon ito.

Pinaghahandaan pala ngayon ni Kelvin ang pelikulang gagawin niya sa Viva na ididirek ni Alessandra de Rossi.

Kakaiba ito dahil ito raw ‘yung tuluy-tuloy ang shoot nila na walang cut.

Kaya pinaghahandaan na raw niya ito ngayon. Mga bigatin pa raw ang mga kasama niyang artista rito.

Makakatrabaho niya rin dito sina Joel Torre, direk Gina Alajar at si Alessandra.

“Simula ngayon nanonoood ako ng mga pelikula nilang lahat. Sumisilip-silip ako ng mga old clips, para kahit papano alam ko kung paano ko makapag-perform na hindi ako ma-starstruck sa kanila.

“Kasi sila ang gusto kong makatrabaho e. Lalo na si Sir Joel Torre, si direk Gina Alajar, and of course si Ms. Alessandra de Rossi din,” sabi pa ni Kelvin Miranda.