Pilipino Star Ngayon
November 5, 2025 | 12:00am
AMMAN, Jordan — Lalabanan ng Alas Pilipinas girls’ team ang matikas na Chinese Taipei sa Final 8 ng 2nd Asian Volleyball Confederation Women’s U16 Championship dito sa Prince Hamzah Sports Hall.
Nagmula sa 25-21, 25-22, 25-22 panalo sa Iran para sumegunda sa Pool B, tiyak na mapapalaban ang mga Pinay spikers sa Chinese Taipei na winalis ang Pool D.
Nakatakda ang paluan ngayong alas-6:30 ng gabi (Manila time).
Muling babanderahan ni team captain Xyz Rayco ang Alas U16 sa kanilang kauna-unahang international tournament kasama sina setter Resty Jane Olaguir, spikers Nadeth Herbon at Merish Beltran, middle blockers Madele Gale at Jhenica Sadia at libero Frances Ramos
Kasama ng Alas girls sa Group F ang nagdedepensang Japan, Chinese Taipei at Thailand kung saan ang top two teams ang aabante sa semifinals.
Dadalhin ng Nationals ang 0-1 record mula sa four-set defeat sa Japan sa first round kagaya ng Thailand na natalo sa Chinese Taipei via four-setter noong Lunes.
Haharapin ng mga Pinay hitters ang mga Thais bukas ng alas-4 ng hapon.
Ang Pool E ay binubuo ng China (1-0) Hong Kong (1-0), Korea (0-1) at Uzbekistan (0-1).
Sasandigan ng Chinese Taipei si leading scorer Chen Ting-Yi na pumallo ng 24 points sa kanilang paggupo sa Thailand para makumpleto ang first-round sweep.