Alex Eala reyna sa Guadalajara Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 8, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Muling gumawa ng kasay­sa­yan si Alex Eala matapos pagreynahan ang Guadalajara Open na ginanap sa Centro Pa­namericano de Tenis Grandstand Caliente sa Mexico.

Naisakatuparan ito ni Eala nang itakas nito ang 1-6, 7-5, 6-3 panalo laban kay Panna Udvardy ng Hungary sa finals ng women’s singles kahapon.

Si Eala ang kauna unahang Pinay neter na nakasungkit ng korona sa isang Women’s Tennis Association (WTA) tournament.

Mabagal ang simula ni Eala matapos ang kaliwa’t kanang unforced errors. Subalit nakabawi ang Pinay netter sa second set kung saan naitarak nito ang 4-1 kalamangan.

Sinubukan pang pumalag ng Hugarian bet nang dumikit ito sa 5-5.

Agad namang nasawata ni Eala ang paghahabol ni Udvardy para maipuwersa ang third set.

Sa final frame, hindi na nagpa­tumpik-tumpik pa si Eala nang pakawalan nito ang matatalim na baseline attacks upang tuluyang masungkit ang panalo.

Tumagal ang laban ng dalawang oras at 31 minuto.

“Nagpapasalamat ako sa mga kababayan natin na pa­tuloy na sumusuporta sa bawat laban ko. To everybo­dy who came here including my kababayans. There are a lot of Filipinos here,” ani Eala.

Nagpaabot din ng congratulatory message ang Rafael Nadal Academy na siyang humubog sa kakayahan ni Eala.

Ang panalo ang nagsilbing matamis na resbak ni Eala kay Udvardy.

Matatandaang si Udvardy ang tumalo kay Eala sa Round of 16 ng Oeiras Open na ginanap sa Portugal noong Abril.

Umabante sa finals si Eala nang pataubin nito si Kayla Day ng Amerika sa semis sa iskor na 6-2, 6-3.

Kabilang din sa mga tinalo ni Eala sina Arianne Hartono ng Netherlands sa first round (6-2, 6-2) kasunod ang pananaig kay Varvara Lepchenko ng Amerika sa second round (6-7 (3), 7-6 (3), 6-3) at Nicole Fossa Huergo ng Italy sa quarterfinals (7-6 (2), 6-2).

Dahil sa panalo ay inaasahang aangat ang puwesto ni Eala sa WTA rankings mula sa pagiging No. 75.