Alex Eala sisikwat ng semis spot sa Suzhou Open


Pilipino Star Ngayon

October 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Puntirya ni Alex Eala na maipagpatuloy ang magandang inilalaro nito upang ma­kahirit ng tiket sa semifi­nals ng Suzhou Open sa Sungent International Tennis Center sa Yangcheng Lake Peninsula sa Suzhou, China.

Sasagupain ni Eala sa quar­terfinals si Viktori­ja Go­lubic ng Switzerland nga­yong araw.

Mapapalaban ang fourth-seeded na Pinay netter dahil malalim ang ka­ranasan ng 32-anyos na Swiss player.

Hawak ni Golubic ang No. 6 seed sa torneo at ka­salukuyan itong No. 70 sa WTA rankings.

Nakaabot ito sa quarter­finals ng Wimbledon Championship noong 2021, habang nakara­ting ito sa third round ng Austra­lian Open noong nakaraang taon.

Sumampa rin sa se­cond round si Golubic sa nakalipas na Grand Slam events — sa 2025 US Open at 2025 French Open.

Sa kabilang banda, ina­asahang mas magiging ag­resibo si Eala lalo pa’t na­kapagpahinga ito ng isang buong araw matapos ang kaniyang pahirapang second-round match.

Umabot ng tatlong oras at 18 minuto ang laban ni Eala bago makuha ang 7-6 (5), 6-7 (3), 7-5 panalo laban kay Greet Minnen ng Belgium.

Kaya naman magandang pagkakataon ang one-day break nito para ma­karekober.

Una nang tinalo ni Eala si Katarzyna Kawa ng Poland sa opening round sa iskor na 6-3, 3-6, 7-5.

Sa pagpasok ni Eala sa quarterfinals, umakyat ito sa No. 54 sa WTA live rankings — ang panibagong career-high nito sa ran­kings.

Inaasahang aangat pa ito sa oras na makapasok si Eala sa semis o mag­tuluy-tuloy ito sa finals hanggang makuha ang kaniyang ikalawang WTA title sa taong ito.

Nauna nang nagkampeon si Eala sa Guadalajara Open.