October 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Handa ang mga bataan ni University of Perpetual help System DALTA head coach Olsen Racela na makipagbardagulan sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa Playtime FilOil Arena sa San Juan City.
Ipaparada ni Racela sina John Cedrick Abis, John Paul Boral, Jerico Nuñez at Patrick Sleat sa pagsagupa ng Altas sa Stags ngayong alas-12 ng tanghali.
Magkasama sa Group A ang Perpetual Help at San Sebastian at kung sinuman ang manalo ay sasaluhan nila sa tuktok ng team standings ang defending champion Mapua University.
Kinalos ng Cardinals ang Lyceum Pirates sa opening day via double overtime, 90-89.
Huhugot din ng puwersa si Racela kina Shawn Orgo, Emman Pizarro, Angelo Gelsano, Mark Gojo Cruz, Kevin Guibao, LA Casinillo at JM Talabut.
Samantala, ipantatapat ng Golden Stags sina backcourt duo veterans Paeng Are at Tristan Felebrico.
Maghaharap naman sa pangalawang laro ang Letran College at Jose Rizal University sa alas-2:30 ng hapon.
Nasa top spot sa Goup B ang San Beda University na may 1-0 baraha matapos talunin ang Season 100 runner-up College of Saint Benilde, 96-85.