September 29, 2025 | 12:00am
Matapos mapanood sa pelikulang Outside de Familia, may bagong released na kanta ang upcoming actor/singer na si Dwayne Garcia.
Pinamagatang Para Na Muna, sinulat ito ni Joven Tan, and released by Star Music.
Ito na ang second song ni Dwayne. Inilabas ang kanyang debut song noong 2024, Taym Perst Muna.
Actually, mas nauna raw siyang nagkaroon ng acting career matapos mag-workshop sa Star Magic.
Nagkaroon siya ng role sa mga palabas ng Knowledge Channel at ilan pang supporting role na ‘di na rin niya maalala.
Pero aniya wala pa siyang formal training sa singing.
Actually, pwedeng hindi na mag-showbiz si Dwayne.
May construction company ang kanyang mga magulang at may beauty company na ang produkto ay sikat na.
Pero pangarap niyang mag-showbiz noong bata pa siya.
At supportive naman ang kanyang mga magulang.
Ang gusto sana ng kanyang parents ay mag-aral na agad siyang mag-business kahit 15 years old pa lang siya.
Wala pa raw sa kanyang interes sa kasalukuyan ang pagnenegosyo, mas gusto niyang maging singer na hindi naman daw siya pinipigilan ng kanyang mga magulang na oo nga raw at mga contractor pero legit ang kanilang negosyo at nakikita niya raw mismo ang mga project nito na like mga kalsada.
Idol niya sa kantahan si Michael Jackson.
“Marami po akong idol. Pero sa local sila Juan Karlos (Labajo) and BINI,” aniya nang makausap namin sa media launching ng kanyang latest single.
At kung may chance gusto niyang maka-collab, aniya mina-manifest niya sina Juan Karlos Labajo and SB19.
“Sa actor po, si John Arcilla. Matagal ko na siyang idolo,” dagdag na sabi niya.
“Gusto ko rin pong maka-collab si Elijah Canlas.”
Mga old films daw talaga ang gusto niyang pinapanood.
“Pero gusto ko talaga pong mag-pilot. Passion lang po itong pagkanta at pag-arte sa akin,” kumpisal pa niya.
Napanood niya raw kasi si Elijah sa Keys to the Heart kung saan gumanap na isang character na may special needs ang actor.
“Natural na natural po siyang umarte,” sabi naman niya tungkol kay Elijah.
Samantala, tungkol umano ang Para Na Muna sa unhealthy relationship na kailangan mo munang tumigil kapag hindi ka na masaya o pakiramdam mo ay hindi na tama ang mga nangyayari.
Kaya alam niyang maraming makaka-relate sa nasabing kanta niya na kasalukuyan nang napapakinggan sa Spotify at iba pang digital music platforms.
