Angelica nilamon lahat ng kaba, beauty gustong sumubok sa entablado


Maganda ang feedback sa first stage performance ni Angelica Panganiban sa magtatapos na Virgin Labfest.

Si Angelica ang bida sa stageplay na Don’t Meow For Me, Catriona, na kung saan kasama niya rito ang magaling na stage at character actress na si Peewee O’hara.

Ang sabi nga nila, nung nagsimula pa lang ang Virgin Labfest ay sold-out agad itong set nila Angelica.

“Kinapalan ko lang talaga ‘yung mukha ko. Nilamon ko lang lahat nung kaba. Ginamit ko lang lahat ng kaba para ano, hindi ako manigas dun sa stage. Diyan ka lang muna, huwag ka muna magpapakita, kaba,” pakli ni Angelica nang kinumusta namin ang mga unang performance niya sa entablado.

Tuloy handa na rin ang ilang magaga­ling na artista na subukang umarte sa entablado.

Si Beauty Gonzalez ay type raw niya talagang gawin, pero oras lang ang kalaban niya dahil sa sunud-sunod na shows na ginagawa niya.

Kahit sina Paolo Contis at Gladys Reyes ay gusto rin daw nilang subukan, dahil magaling naman kasi talaga silang artista.

Sunud-sunod na ngayon ang stage plays, kagaya nitong Walong Libong Piso na magpapasiklab sa hubaran ang sexy actors na sina Paolo Gumabao, Jhonmark Marcia, Juan Paulo Calma at Drei Arias.

Napag-usapan na rin ng mga kabadingan ang isa pang mapangahas ding stage play ng PhilSta­gers Foundation (PSF) ni Atty. Vince Tañada.

May rerun ng stage play nilang 3 Men On Island, ngayong Sabado ng 2 p.m. at 7:30 p.m. na gaganapin sa Blackbox Theater ng PSF sa 2075 G. Tuazon St., Balic-balic, Sampaloc, Manila.

Tampok dito sina Victor “VR” Relosa, Fidel Redado, at Ken Intano, kasama sina Rajja Mater, Renz Saavedra, at Marina Esperida. Karamihan sa kanila ay VMX actors.

Bahagi ito ng Pride Show: 3 in 1 Pride Month Plays, kung saan tampok din ang mga dulang Moment to Moment (by Vince Tañada, starring James Ramada, Awin Valencia, and Renee Escurel) at Good Night, Love (by JP Lopez, starring OJ Arci and Gerald Magallanes).

Ynez, todo ang pagdarasal sa pink sisters kahit iba ang relihiyon!

Kung may kahilingan, manalangin ka lang. ‘Yun naman ang paniniwala at ginagawa ng lahat.

Kaya feeling namin, ngayon ay panay na ang dasal ni Ynez Veneracion sa Pink Sisters, para magkaroon siya ng bagong show pagkatapos ng Mga Batang Riles.

‘Yun pala ang ginagawa ng aktres tuwing may hinihingi siya.

Sobrang happy siya sa nagtapos na seryeng ito ng GMA 7 dahil talagang ipinagdasal daw niya ito sa simbahan ng Pink Sisters.

Matagal na raw niya itong ginagawa, dahil itinuro raw ito sa kanya ni Geleen Eugenio noong taong 2006 pa.

“Simula pa lang nung naghiwalay pa lang kami ni Mon (Confiado) nun. Kasi nga si Tita Geleen (Eugenio) ang nagsabi sa akin. Punta ka diyan, magsulat ka, maglagay ka ng any amount sa sobre. Naniwala ako. Ang dami na kasi talaga e… pati ‘yung bahay.

“Sa lovelife ko dati, sabi ko, ‘sana bumalik siya dito para may closure kami,’ bumalik! Tapos ‘yung bahay ko na nabenta ko nung una. Sabi ko, ‘suntok sa buwan para makabili uli ako. Pero sana po makabili po ako ulit.’ Nag-Pink Sisters ako, tapos Manaoag, nakabili ako ulit.

“‘Yung Pajero ko, sana mabenta ko na para mabili ako ng bago, one week, nabenta ko, nagkaroon ako ng buyer,” saad ni Ynez.

Pero, heto ang catch! Hindi naman pala siya Roman Catholic.

Hindi lang naman daw siya hingi lang nang hingi, nagpupunta raw siya ng Pink Sisters para magpasalamat din, pero hirit pa rin daw na hingi.

Meron lang daw siyang isa na lang na lagi raw niyang hinihingi sa Pink Sisters, pero hindi pa rin daw ibinibigay sa kanya.

“Sa career alam mo ‘yun, pero ‘pag sa lalaki, ayaw ibigay.

“Kasi siyempre at the age of 44, nandiyan na ‘yung… lalo na babae. Ang daming mga artista na biglang kinakasal tapos masaya sila.

“Nakakainggit, kaya ‘yun ‘yung dasal ko na sana magkaroon ng ano… kasi gusto ko na… ayoko na ng iba-iba, umay! Dapat isa lang talaga. Kaya ngayon since one year na akong single, mukhang wala na akong interes sa mga lalaki ngayon,” dagdag niyang pahayag.