October 8, 2025 | 12:00am
Sa Biyernes, October 10 na i-announce ang apat na finished films na pasok sa Metro Manila Film Festival.
Ang Lungsod ng Makati ang sponsor ngayong MMFF 2025, kaya sa Makati gagawin ang mga event nito.
Sa University of Makati gaganapin ang announcement at pinag-uusapan na kung saan sa Makati mag-iikot ang parada nito sa December.
Ayon sa napagtanungan namin, 16 finished films daw ang naisumite at karamihan daw ay horror at drama. Pero merong pambagets na pelikula, na baka iko-consider ito kung maganda ang quality.
May isang pelikulang drama na maganda ang script at magagaling ang mga artistang involved, lalo na ang dalawang batang bida.
Umaasa silang makakapasok, huwag lang daw sana mapulitika.
Pero iba naman ang grupo ng screening committee, at hindi naman sila maiimpluwensya.
Kaya abangan natin ang kanilang mapipili para makumpleto ang walong pelikulang kalahok.
Libro ni Ricky Lee, may reading sa Cinemalaya
Bago matapos ang Cinemalaya 21 sa Linggo, ilulunsad muli ang libro ng National Artist na si Ricky Lee.
Ito yung librong Agaw-TIngin at Pinalakang Tabing na nagkaroon na ng reading sa nakaraang Manila International Book Fair noong September 12.
Sa Cinemalaya naman ito gagawin sa darating na Sabado sa Shangri-La Mall at mga kilalang direktor naman ang magbabasa ng excerpts ng libro.
Sabi ni Sir Ricky, mga kilalang artista na ang nagbasa sa nakaraang book fair, bakit naman daw niya uulitin.
This time ay mga direktor na raw ang gusto niyang magbasa.
“Mga direktor na iyung iba, nakatrabaho ko. At iyung iba, gusto ko ring makatrabaho,” pakli ni Sir Ricky.
Kabilang sa mga magbabasa sina Laurice Guillen, Joel Lamangan, Erik Matti, Jerrold Tarog, Petersen Vargas, Carlitos Siguion-Reyna, Zig Dulay, Paolo Villaluna, Dwein Baltazar, at Cathy Garcia-Sampana.
“And nakakataba ng puso na karamihan sa kanila na inimbita, excited sila, sina Erik Matti!” sambit ni Sir Ricky.
“And nakakataba rin ng puso, maski iyong ibang inimbita namin na hindi available — like sina Joey Reyes, sina Jun Lana — gusto nila. Kaya lang, conflict sa schedule.
“Si Antoinette (Jadaone), may conflict sa schedule. So parang masarap na… lahat sila, willing sumuporta. Hindi pelikula. Literature, nobela. So iyun, masarap. So, excited,” sabi pa ni Sir Ricky Lee.
Halos makakasabay nito ang 48th Gawad Urian na gaganapin sa La Salle, kaya hindi makakadalo ang FDCP Chairperson Jose Javier Reyes sa book reading ni Ricky Lee.
Maris, pasabog sa Quiapo…
Umepek kaya ang pagpapalabas ng bagong trailer ng FPJ’s Batang Quiapo noong Lunes?
Natatalo sila ng Sang’gre lately.
Noong Lunes ay may pasabog na trailer ang Batang Quiapo na ipinost sa kanilang social media account.
Maaksyon ito at impressive ang action scenes ni Maris Racal at ang sexy niya sa mga eksena niya.
Hanggang kahapon ay trending pa rin si Maris dahil sa matitinding action scenes na ginawa nito sa bagong yugto ng Batang Quiapo.
At puring-puri siya ng mga netizens na gumaganap bilang si Ponggay sa teleseryeng ito ni Coco Martin.
Ang Batang Quiapo lang naman talaga ang lumalaban sa ratings dahil hindi pa gaanong umaalagwa ng bongga ang It’s Okay Not To Be Okay at ang Sins of the Father.