AshDres kinasasabikan sa Minamahal! | Pilipino Star Ngayon


Story conference pa lang bukas ng Minamahal: 100 Bulalak Para kay Luna, ang first movie ng AshDres love team nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, excited na ang fans na mapanood ang nasabing pelikula. Teaser pa lang ang na shoot ni Director Jason Paul Laxamana at ipinalalabas, umani na ng million views.

Bukas pa lang malalaman ang story nina Raffy (Andres) at Luna (Ashtine),  gusto na agad ng mga fans na mapanood ang nasabing pelikula. Sa teaser, makikitang naglalakad si Ashtine at si Andres ay may hawak na microscope at flowers, nadala na agad ang mga fans.

‘Yung “soon” na binanggit ng Viva Films, September 24  daw, malapit na rin at naghahanda na ang mga fans. May mga request na ng international screening sa iba’t ibang parte ng mundo. May request for international screening sa Singapore, Middle East, Italy, Indonesia, India, Jeddah at tiyak na madadagdagan pa ito.

May fans na naiyak sa sobrang tuwa dahil mapapanood na raw nila sa big screen ang AshDres at wish nilang masundan pa ng maraming pelikula.

Naalala namin na very proud si Aga Muhlach na may series na si Atasha Muhlach, siguradong masaya rin ang actor na may pelikula na si Andres. Binibiro si Aga ng fans na siya raw ang president ng AshDres love team dahil sini-ship niya ang dalawa at very supportive.

Dominic at Sue, sabay ‘ipinanganak’

Pareho palang July 20 ang birthday ng magdyowang Dominic Roque at Sue Ramirez, kaya naniniwala ang mga fans na sila ang meant to be. Sigurado raw na big ang double birthday celebration ng dalawa. Wala pa nga lang sila nase-share kung paano ang birthday celebration nila.

Sa kanilang birthday, 29 years old na si Sue at si Dominic ay  35 years old, kaya’t nasa right age na sila para magpakasal at bumuo ng pamilya. Ang wish ng fans, sa birthday nila, may marriage proposal na mangyari at kasunod na ang kanilang kasal.

Samantala, masayang in-announce ni Dominic ang “My first official 21k! Wooooohooo!”  Masaya ang mga kaibigan ni Dominic sa bago niyang feat na kaya niyang tumakbo ng 21K at may mga nagkumbinse sa kanya na sumali sa half marathon.

Bianca, parang nanalo sa PBB

Para na ring nanalo sa PBB si Bianca de Vera sa natanggap na regalo mula sa kanyang mga magulang dahil sa Mercedes Benz luxury car na ineregalo sa kanya bago ang Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. Worth P5.9 million daw ang Mercedes Benz V-Class V220 Advantage d Avantgarde Extra Long, mahal siya at mahal din siya ng pamilya niya.

Na share ng mom ni Bianca sa Instagram Stories ang tuwa ng anak nang iabot ang susi ng sasakyan lalo na nang makita kung gaano kaganda. Yayamanin ang mga magulang ng aktres at kahit hiwalay na, nabanggit ni Bianca maganda ang kanilang relasyon.

And speaking of Bianca, kay Dustin Yu siya na-link habang nasa Bahay ni Kuya at may relasyon na nga yata. Pero, marami rin pala silang fans ni Will Ashley na kung tawagin ay WilCa.  Ang photo at video nga nila na nagyakapan sa PBB Collab Big Night, milyones ang views na nakuha. As in, marami ang kinikilig sa kanila, mas marami sa kinikilig kina Bianca at Dustin

Ang request ng mga fans, pagsamahin sa project ang WilCa love team, sana raw mag-collab uli ang ABS-CBN at GMA Network, kunin ang ga­ling sa PBB Celebrity Collab Edition para buo pa rin ang grupo. Kaya lang, sina Will at Bianca ang gawing magkapareha at hindi si Dustin.