MANILA, Philippines — Nakakaloka si Ashley Ortega sa mga pasabog habang nasa loob ng Bahay ni Kuya. Pagkatapos aminin kay Ivana Alawi na three years na silang hindi nag-uusap ng mom niya (ibig sabihin three years na silang hindi nagkikita) may kasunod siyang pasabog.
Ipinaamoy nito ang kanyang kilikili sa boyfriend niyang si Mavy Legaspi na game namang inamoy. Natawa na lang ang kapwa PBB housemate na si Josh Ford sa ginawa ni Ashley.
May netizen lang na nagbiro na hindi magugustuhan ng mom ni Mavy na si Carmina Villarroel ang ginawa niya.
Ang sunod na pasabog ni Ashley ay nang aminin niya sa kasama pang PBB housemate na si Ralph de Leon ang impression niya rito. Inakala ni Ashley na gay si Ralph. “Naisip ko na baka bakla ito,” pero agad din namang binawi dahil nakitaan daw niya ng makulit na side si Ralph.
Sayang at hindi ipinakita ang reaction ni Ralph habang kausap niya, si Mavy naman na nasa tabi ng girlfriend, natawa sa kaprangkahan nito.
May fans na hindi nagustuhan ang manner ng pagtatanong ni Ashley na in fairness, nagpasintabi na ‘wag daw magagalit si Ralph.
Dahil sa latest na ginawa ni Ashley, may mga nagsasabing siya ang unang mae-evict sa Bahay ni Kuya sa PBB housemates ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Hintayin natin kung magkakatotoo ang hula ng viewers na si Ashley nga ang unang mapapalayas sa mga housemate. Bagay na ikatutuwa ni Mavy dahil nami-miss daw niya ang GF.
Arci, mas gustong bumirit
Si Arci Muñoz ang rakista sa cast ng Sinagtala the movie at nakakaaliw ang rason nito kung bakit rock songs at metal rock pa nga ang favorite niya.
“Sobrang mahal ko ang music, hindi lang ako mahal ng music. Kaya nag-metal na lang ako. Hindi kailangang bumirit, sumigaw ka lang,” wika nito. “May misconception ang tao sa metal, tingin nila demonyo,” dagdag nito.
Magdi-disagree kami sa sinabi ni Arci na kaya nahilig siya sa metal rock dahil hindi siya singer. Napanood na namin siyang kumanta sa isang event, hindi metal rock ang kanyang kinanta at ang husay niya. Talaga lang metal ang nakahiligan niya.
Hindi rin naman tatagal ang banda niyang Philia kung hindi siya marunong kumanta. Dahil may banda, madali niyang na-embrace ang karakter niyang si Karla (o Carla), member ng Sinagtala band na kinabibilangan nina Rhian Ramos, Rayver Cruz, Matt Lozano at Glaiza de Castro.
Kuwento ni Rose Conde, line producer ng movie, nang mabasa ni Arci ang script at malaman ang gagampanang karakter, inangkin na agad nito. Sa kanya raw ‘yun at siya si Karla.
“First time ko gumawa ng ganitong klaseng pelikula. Noong una, ayoko ng character ko, ayaw kong i-portray. Nang mabasa ko ang script, ang ganda pala ng character na ipo-portray ko, gusto ko siya. In-embrace ko si Karla at dapat gawin ko ito,” wika ni Arci.
Ayon naman kay director Mike Sandejas, mamahalin ng makakapanood ng Sinagtala ang lahat ng karakter ng movie na showing simula April 1 in cinemas nationwide.
Marco, super P.A kay Heaven
Ang boyfriend na si Marco Gallo ang date ni Heaven Peralejo sa premiere night ng horror film niyang Lilim. Hindi lang siya naging escort ni Heaven, matinding pag-alalay ang ginawa niya para hindi matapilok ang GF.
May mahabang parte ang gown ni Heaven na puwede niyang matapakan. Kaya noong umakyat sa stage ang aktres to greet the fans, ang isang kamay ni Marco, nakahawak sa braso ng GF. Ang isang kamay, inayos ang gown ng GF.
Anyway, tiyak na proud siya kay Heaven dahil mahusay ang aktres sa movie ni director Mikhail Red. Marami siyang nakakagulat at nakakatakot na eksena na ipagre-react ng moviegoers.
Gusto namin ang nangyari sa karakter niya sa ending ng movie.
Mula ito sa Viva Films at Evolve Studios PH.
