Ayaw na sa de kahon…Juday, pahinga muna sa MMFF!


Naglalabas ng galit sa social media ang Vilmanians dahil sa pagbibigay ng Metro Manila Film Festival ng Hall of Fame sa nakaraang book launch ng 50 Years of the Metro Manila Film Festival: Limang Dekada: Sine Sigla sa Singkwenta sa Manila International Book Fair na ginanap sa SMX Convention Center.

Ang tumanggap kasi ng parangal na ‘yun ay sina Judy Ann Santos na naka-tatlong Best Actress trophy at si Lotlot de Leon para sa namayapa niyang inang si Nora Aunor na may walong Best Actress trophy.

Hindi alam ng ilang Vilmanians, pero inimbitahan si Ate Vi na dumalo naman sa kanyang book launch nung araw na ‘yun. Pero may prior engagement daw kaya hindi siya makakarating sa event ng MMFF.

‘Yung mga nag-decline sa imbitasyon ay hindi na binanggit doon sa programa.

Si direk Joel Lamangan na Hall of Famer na rin sa Best Director ay nabanggit, dahil nag confirm siyang makakadalo, pero hindi nakarating.

Para sa paglilinaw ng lahat, ang mga inimbitahan pang Hall of Famers sa acting category ay sina Gov. Vi, Christopher de Leon, Maricel Soriano, Cesar Montano, at Amy Austria. Kasama rin sa Hall of Famer ng MMFF ang namayapang aktor na si Anthony Alonzo na naka-tatlo na ring Best Actor trophy.

Hindi raw puwede ‘yung mga naimbitahan, kasama na roon si Ate Vi. Kaya sina Juday at Lotlot lang ang nandun para tanggapin ang pagkilala sa kanila.

Naipaliwanag na ito sa kanila ng MMFF spokesperson Noel Ferrer, pero may iba pa ring ayaw tumigil, may hanash pa rin sa ginawa ng MMFF.

Naging isyu sa kanila ang padamihan ng acting award na kinukuwestiyon ang tatlong trophy lang ay hall of fame na agad.

Ipinaliwanag na ring bihira lang sa mga artista ang nakakasali sa MMFF taun-taon kaya tama lang daw ang tatlong awards para mapabilang sa Hall of Fame. At puwede pa ring manalo kahit mahigit tatlo na ang napanalunan.

Kaya nga naka-walo na si Ate Guy, lima na si Ate Vi at si Maricel.

Kahit si Judy Ann ay nalilito na rin kasi ang akala raw niya ay hindi na siya puwedeng sumali kapag nasa hall of fame na siya.

Pero ang isa pala sa napagdesisyunan ni Judy Ann ay hindi raw muna siya sasali sa MMFF. “Ang ano ko nga, magpapahinga muna ako ngayong mga susunod sigurong taon sa MMFF. Parang ang laki kasi ng nawalang time sa akin with the kids nung December, and ‘yun din kasi ‘yung time na talagang busy kami sa Angry­dobo, e iba rin ‘yung passion na binibigay ko sa Angrydobo,” pakli ni Juday nang makatsikahan namin sa Manila International Book Fair.

“Pero of course, masaya rin naman talaga. Kailangan mo lang i-prepare mo lang ‘yung sarili mo sa pagod pagdating sa promo, sa parade, sa awards night. Kumbaga, hopefully makagawa pa ako ng MMFF bago ako mag-singkuwenta,” dagdag niyang pahayag.

Pamilya ang pinakamahalaga kay Judy Ann sa ngayon, kaya kahit sa mga susunod niyang gagawin ay gusto raw sana niya ay may maiambag sa pamilya lalo na sa mga kabataan.

Puwede raw siyang mag-soap, pero gusto niyang magbibigay ng values sa mga kabataan. “Ang gusto ko kasing series talaga ngayong gawin ‘yung may mga… magbibigay ka ng values sa mga bata.

“Parang rampant na ngayon ng bullying, rampant na ‘yung patayan, rampant na ‘yung agawan ng asawa, agawan ng anak.

“Hindi na ‘yung mga de kahon na kuwento, kundi ‘yung magbibigay inspirasyon sa mga mano­nood at may matutunan ang mga kabataan.

“Kumbaga, parang gusto ko sana ibalik ‘yung wisdom sa mga bata, at ‘yung hope sa mga tao. Kailangan natin ng hope ngayon.

“Kailangan natin ng encouragement sa mga tao na kaya natin ‘to e. Kaya nating bumangon, kaya nating magsama-sama at maging isa.

“Puro kasi… ang bigat sa puso ng mga napapanood natin. Pero kasi ‘yun ang kultura ng Pilipino. Gusto natin talaga ‘yung nagbe-breakdown, gusto natin ‘yung nagsasapakan, nagsasabunutan, nagsasampalan.

“Pero parang ako, gusto ko gumawa ng teleserye na mabuksan man lang ‘yung mata ng mga tao na we were once compassionate. We were once human.

“Meron tayong pagkatao, meron tayong bait na binibigay sa mga tao. Para siyang nawala. Para tayong lahat, ang tapang natin,”  saad niya.

Noong kabataan niya ay tanggap lang daw siya ng tanggap dahil sumusunod lang siya sa namayapa niyang manager na si Tito Alfie Lorenzo.

Ngayon ay nasa punto na siyang puwede nang tumanggi at mamili ng trabahong gusto niyang gawin.

Ate Vi, may pakiusap sa mga kababayan

Si Gov. Vilma Santos naman ay gusto na rin sanang gumawa ng pelikula kahit isa sa loob ng tatlong taong panunungkulan niya sa Batangas.

May pinag-uusapan daw sila ngayon, pero hindi pa niya masabi kung ano ito.

“May mga meeting okay. May mga nangyayaring meetings na ginagawa namin ngayon.

“Very exciting story, very exciting cast, very exciting director, a very exciting script.

“But, plan is anytime next year.

“But, I’m still a public servant,” bulalas ni Gov. Vi.

Kaya may pakiusap siya sa mga taga-Batangas, “Isa lang ang hinihiling ko sa mga Batangueño, sana mapagbigyan ako.

“Sabi ko pagbigyan nyo naman ako kahit isang movie, na meron akong magawa. But the good thing is, may plano naman ‘tong movie na ito which is I’m also very excited. Isa lang naman,” kumpisal pa ni Batangas Governor Vilma Santos.