Bea, hindi inamin ang ama ng pinagbubuntis


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

Trending sa X kahapon ang social media star na si Bea Borres na kilala ring BFF ni Andrea Brillantes.

Ito ay matapos niyang ibunyag na magkakaanak na siya sa edad na 22.

Ibinahagi nga ni Bea ang balita sa pamamagitan ng isang vlog na uploaded sa kanyang YouTube channel.

Hindi naman nabanggit ng content creator ang kasarian ng sanggol o ang pagkakakilanlan ng ama habang sinusulat ito.

“I promise you and everyone that gets to watch this in the future that I’d really, really be the best mom,” sabi nito.

Aniya, totoo na hindi siya handa, pero sa palagay daw niya ay walang sinuman o anumang bagay ang naghahanda para sa pagiging ina.

Ibinahagi rin ni Bea na ipina-email niya ang kasarian ng kanyang baby bago ang gender reveal party sa susunod na linggo para magkaroon siya ng “private moment” kasama ang kanyang sarili at ang magiging anak.

Inamin niya ring hindi niya inakala na magiging isang ina niya.

Ang kanyang pagbubuntis daw ay itinuturing na low-risk, kaya’t nagpapasalamat siya.

Nagpakita ng suporta ang mga kaibigan at pamilya, kabilang ang kanyang BFF, ang aktres na si Andrea Brillantes, na lumabas sa vlog at tiniyak kay Bea na andun siya para suportahan ito.

Bago ito ay kumalat na sa social media ang nasabing pagbubuntis ng social media star.

Pero marami nang nagpapatulong na millennial, pa-educate raw sila dahil hindi na nila kilala si Bea Borres. Si Bea Alonzo lang daw ang kilala nila.