September 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Muling aarangkada ang mga Pinoy cue masters sa prestihiyosong 2025 WPA Men’s 10-ball World Championship sa Ho Chi Minh City, Vietnam mula Setyembre 20 hanggang 28.
Anim na Pinoy bets ang magtatangka sa torneo kabilang na si reigning World 10-Ball champion Carlo Biado na nakatakdang depensahan ang kaniyang korona sa naturang event.
Matatandaang napasakamay ni Biado ang World 10-Ball crown matapos pataubin si Naoyuki Oi ng Japan sa finals noong nakaraang taon.
Kaya naman desidido si Biado na maipagtanggol ang kaniyang korona sa edisyong ito.
Sa kasalukuyan, si Biado ay world champion sa dalawang events ng WPA.
Hawak din ni Biado ang korona sa World 9-Ball event na napanalunan nito noong Hulyo sa Jeddah, Saudi Arabia.
Naitarak ni Biado ang pukpukang 15-13 panalo upang hubaran ng korona si 2024 World 9-Ball champion Fedor Gorst ng Amerika sa finals na ginanap sa Green Hall sa Jeddah.
Ito ang ikalawang World 9-Ball title ni Biado na nagkampeon na rin sa naturang event noong 2017 edisyon.
Sa 2025 World 10-Ball event, makakasama ni Biado sa kampanya ang mga kababayang sina Lee Van Corteza, Jeffrey De Luna, Anthony Raga, Kyle Amoroto at Sean Malayan.
Sasabak ang Pinoy contingent laban sa mga matitikas na players sa mundo.
Kabilang na sa mga kumpirmadong lalahok si veteran cue masters Ralf Souquet ng Germany na kasabayan pa ni Efren ‘Bata’ Reyes.
Lalahok din sina Shane Van Boening ng Amerikan Ko Ping-chung ng Chinese-Taipei at Joshua Filler ng Germanhy gayundin sina Denis Grabe ng Estonia, Gorst at Oi.