MANILA, Philippines — Naitakas ni Alex Eala ang pukpukang 7-5, 2-6, 6-3 panalo laban kay Varvara Gracheva ng France sa semis upang masiguro ang pag-entra sa finals ng 2025 Eastbourne Open na ginaganap sa England.
Kinailangan ni Eala ng malakas na puwersa sa third set upang pigilan ang anumang pagtatangka ng French netter.
“It’s a big achievement for me,” ani Eala na naluluha pa matapos ang semis game nito.
Ito ang unang finals appearance ni Eala sa season na ito.
Si Eala rin ang kauna-unahang Pinoy na nakapasok sa finals ng isang WTA Tour tournament.
Hindi naman maawat ang pagsulong ni Eala matapos umangat sa bagong career-high No. 64 sa live rankings ng WTA.
Malaki ang inilundag ni Eala na mula sa No. 77 ay umarangkada ito ng 13 puwesto.
Nakatulong ng husto ang matikas na kampanya ni Eala sa 2025 Lexus Eastbourne Open.
Nakapasok si Eala sa semifinals nang isa isa nitong pataubin ang kanyang karibal.
Dalawang panalo muna ang naitala ni Eala sa qualifying tournament laban kina Zeynep Sonmez ng Turkey sa first round, 6-1, 6-3, at Hailey Baptiste ng United States sa final round, 6-7 (1), 7-6 (4), 6-1.
Sa main draw, sunud-sunod ang panalo ni Eala kung saan pinataob nito sina Lucia Bronzetti ng Italy sa first round (6-0, 6-1), dating Grand Slam champion Jalena Ostapenko ng Latvia sa second round (0-6, 6-2, 3-2, ret.), at Dayana Yastremska ng Ukraine sa quarterfinals (6-1, 6-2) para masiguro ang pagpasok sa semis.
“More than anything it’s just the mentality you know of course with these great players and this tough condition, it could be hard to kind of balance that patience and the will to go for the ball so I think I did that well throughout the whole week,” ani Eala.
Ito ang ikalawang semis appearance ni Eala sa isang malaking WTA tournament.
Una na noong Marso sa Miami Open na naging simula ng pag-angat nito sa WTA rankings matapos payukuin ang mga Grand Slam champions kabilang na si Australian Open winner Madison Keys ng US, dating French Open champion Iga Swiatek ng Poland at si Ostapenko.
Dahil sa pang-angat nito sa world rankings, inaasahang makasisiguro na ng awtomatikong tiket si Eala sa main draw ng Wimbledon Championships.