Bianca, naghahanda sa season 2 ng PBB collab!


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

September 2, 2025 | 12:00am

Nananatiling Kapamilya ang television at Pinoy Big Brother host na si Bianca Gonzalez matapos pumirma ng kontrata sa ABS-CBN Kapamilya Forever: Shining With Excellence event nitong Lunes (Setyembre 1).

“Sobrang nagpapasalamat ako na hanggang ngayon, Kapamilya pa rin ako,” saad ni Bianca na nangakong ipagpapatuloy niya ang dedikasyon sa kanyang larangan.

Natutuwa rin siya dahil ang ABS-CBN ang naging tahanan niya para mahasa ang kanyang talento bilang host sa loob ng 21 na taon niya sa industriya.

Aniya, nais pa niyang masubukan ang iba pang klaseng hosting para palawakin ang kanyang signature hosting style.

“Gusto kong maging safe space nila. Gusto kong iparamdam na kaya nila akong pagkatiwalaan sa mga kwento nila. Hindi rin ako natatakot na subukan ang ibang format tulad ng talent competition o kaya reality show dahil game na game ako sa ibang hosting styles, ” sabi niya.

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, COO Cory Vidanes, group CFO Rick Tan, entertainment production at Star Magic head Laurenti Dyogi, at ang manager ni Bianca na si Boy Abunda.

Sa ngayon, puspusan na ang paghahanda ni Bianca para sa ikalawang season ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition na gaganapin ngayong taon. Abala rin siya bilang host ng iba’t ibang programa tulad ng  The B Side,  BRGY, at Paano Ba ‘To, na nanguna sa listahan ng Spotify Philippines Top Podcast chart nitong taon.