August 16, 2025 | 12:00am
Kaagad na pinik-ap ang ipinost ng celebrity lawyer at film producer na si Atty. Joji Alonso tungkol sa balak na pagsasampa ng reklamo ng grupong BINI.
Isang bahagi lang ng complaint ang ipinost ni Atty. Joji sa kanyang social media account na kung saan nakalagay roon ang mga pangalang Gweneth Apuli, Maraiah Queen Arceta, Sheena Mae Catacutan, Mikhaela Janna Lim, Mary Loi Yves Ricalde, Jhoanna Christine Robles, Stacey Aubrey Sevilleja at Ma. Nicollete Vergara, collectively known as the members of BINI.
Sila ang complainant laban sa taong hindi pa nakasaad doon sa affidavit na ipinakita ng abogado.
Pero ang bilis mag-assume ang netizens. Karamihan sa mga komento nila ay tiyak na si Christian Gaza raw ang kakasuhan.
May kabastusan naman talaga ang komento ng naturang blogger na ipinost sa kanyang Facebook account. Pero walang sinabi ang kampo ng BINI kung sino ang kakasuhan nila, pero may ideya kami na bloggers ito. Cybercrime raw ang ikakaso laban sa mga taong ito, mga at hindi lang iisa.
Sa pagkakaalam ko, nagsimula ito nung binatikos ang naturang grupo nung kumakain sila ng street food.
Sa susunod na linggo ay pormal na ifa-file ang complaint na ito sa Prosecutor’s Office.
Unang kaso pa lang daw ang ipa-file, mukhang may kasunod pa.
Ito ang ating aabangan.
Royce, itatambal kay Jackie Lou
Napukaw ang diwa ng sangkabaklaan sa Bench body pictorial ni Royce Cabrera.
Isa siya sa pinuri sa nakaraang Bench fashion show, kaya siguro nag-pictorial uli para sa naturang underwear.
Ang magandang balitang ibinahagi ni Royce nang makatsikahan ng ilang entertainment press ay meron pala siyang stage play na gagawin na kung saan ay si Jackie Lou Blanco ang makaka-partner niya. “May gagawin ako soon, this year, sa teatro. Nag-meeting na. Inaayos ang schedule para sa rehearsal,” bulalas ni Royce.
Kamailan lang ay ipinost ng Sparkle GMA Artist Center, “Royce Cabrera steps into the spotlight as Diego in the original twin bill Deadma, premiering this October at the Mirror Studio Theater in Poblacion, Makati. Don’t miss it — tickets will be available on Ticket2Me from August 18 to 24!”
Twin bill ang Dedma. Dalawang dula na sinulat ni Chesie Galvez-Casiño — The Foxtrot at Let’s Do Lunch. Tampok si Royce sa one-act play na The Foxtrot bilang dance instructor na si Diego, katambal si Jackie Lou Blanco bilang wealthy matron na si Anna.
Interesting ang pagtatambal nina Royce at Jackie Lou. Gumanap si Royce bilang kalaguyo ni Ricky Davao sa Fuccbois. Sa pagbabalik-teatro ni Royce, aba ang biyuda naman ni direk Ricky ang ka-partner niya.
Walang inhibitions si Royce. Nagawa niyang mag-frontal nudity sa Fuccbois kasama sila Kokoy de Santos.
Pati sa entablado ay okay lang sa kanya na mag-frontal nudity kung maganda talaga ang material.
Maganda ngayon ang pagtanggap sa stage play.
Kagaya nitong Walong Libong Piso ng BenTria Productions, patuloy itong pinapanood sa Teatrino.
Nagpapatalbugan sa pagiging mapangahas ang mga bidang sina Paolo Gumabao, Jhon Mark Marcia, Drei Arias at Juan Paolo Calma.
Talagang all-out sa pa-frontal sina Jhon Mark at Juan Paolo. Tingnan natin kung hahabol pa at hindi rin magpahuli sina Paolo at Drei.
