MANILA, Philippines — Ilang taon ding nawala sa professional boxing si eight-division world champion Manny Pacquiao matapos magpasyang magretiro noong 2021.
Kaya naman excited na itong muling ilabas ang bagsik nito sa kanyang pagbabalik-aksyon laban kay reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.
Aminado si Pacquiao na na-miss nito ang boksing.
“I’m returning because I miss my boxing. Especially these situations — being interviewed, press conference, training camp, everything like that,” ani Pacquiao.
Sa kabila ng matagal na pahinga, tiniyak ni Pacquiao na nasa perpektong kundisyon pa rin ito.
Mahabang panahon ang kanyang naging pahinga ngunit hindi nawawala ang tikas ng kanyang pangangatawan dahil na rin sa pagiging aktibo nito sa sports.
Dahil dito, hindi naging mahirap ang pagdedesisyon kay Pacquiao sa kanyang pagbabalik sa boksing.
“But it has been good for me — I’ve rested my body for four years. And now I come back. I always thought, even when I hung up my gloves, ‘I can still fight, I can still feel my body, I can still work hard,” ani Pacquiao.
Huli itong nasilayan sa aksyon noong 2021 nang matalo ito via unanimous decision kay Yordenis Ugas.
Mula noon, hindi na sumalang pa si Pacquiao sa anumang aktuwal na boxing match.
Tanging ilang exhibition lamang ang ginawa nito sa nakalipas na apat na taon.
“That moment when I announced hanging up my gloves four years ago — I was so sad. I was crying, I cannot stop the tears coming out my eyes,” ani Pacquiao.
Napagtanto ni Pacquiao na kaya pa nitong lumaban dahil may itinatago pa itong lakas at bilis na naging armas nito sa kanyang matagumpay na laban sa nakalipas na dalawang dekada.
