MANILA, Philippines — Balik-ensayo na si Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee para paghandaan ang FIBA Asia Cup na gaganapin sa susunod na buwan sa Jeddah, Saudi Arabia.
Galing si Brownlee sa mahabang pahinga sa Amerika matapos magtamo ng injury habang naglalaro ito sa PBA Commissioner’s Cup Finals ng Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga.
Kaya naman tumulak ito sa Amerika para sumailalim sa minor operation.
Ilang linggo itong nagpahinga dahil sa rehabilistasyon ng kaniyang injury.
Sa ngayon ay maayos na ang kundisyon ng kaniyang kamay.
Sulamang din sa magagaang workout si Brownlee habang nasa Amerika ito para manatiling nasa kundisyon ang kaniyang pangangatawan.
Dahil dito ay hindi na magiging mahirap ang pagbabalik-ensayo nito kasama ang Gilas Pilipinas pool.
Kumpiyansa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maayos na ang lagay ni Brownlee.
Nagsimula na noong Lunes ang training camp ng Gilas Pilipinas upang matiyak na nasa perpektong kundisyon ito bago sumabak sa FIBA Asia Cup.
Maisesentro na rin ni Cone ang atensiyon nito sa Gilas Pilipinas matapos yumuko ang Ginebra sa San Miguel sa Game 7 ng best-of-seven semifinal series ng PBA Philippine Cup.
Maliban kay Brownlee ay dumating na rin sa Maynila si AJ Edu na malaki ang maitutulong sa koponan lalo pa’t wala sa tropa si Kai Sotto.
